Nakatira si Sinag Obispo sa maliit ngunit mala paraisong bayan ng Pelangi.
Dating namayagpag ang kanilang bayan bilang isang matagumpay na mining town. Pero matapos magsara ang mga minahan, maraming residente ang lumisan para maghanap ng hanapbuhay sa siyudad.
Gayunpaman, mahal na mahal ni Sinag ang kanyang hometown. Nais niyang pangalagaan ang mga tradisyon at kultura nito sa pamamagitan ng community radio station na minana niya mula pa sa kanyang lolo.
Si Benjie Rosales naman ay fresh graduate ng kursong architecture.
Maaga siyang naulila sa kanyang amang si Gabriel kaya mag-isa siyang itinaguyod at pinalaki ng kanyang biyudang inang si Amanda. Lingid sa kanyang kaalaman, apo pala siya ng isang real estate magnate na si Vicente Rosales.
Hindi kinilala ng pamilyang Rosales si Benjie dahil hindi boto ang mga ito sa pagsasama nina Gabriel at Amanda.
Magtataka si Benjie nang biglang hikayatin siya ng kanyang ina na makipag-ugnayan muli sa mga Rosales. Hindi magiging magiliw sa kanya si Vicente at Catalina, ang kanyang tita. Tanging ang lola niyang si Helen ang tatanggap sa kanya nang buong puso. Hihikayatin pa ni Helen si Vicente na pagtrabahuhin si Benjie sa kanilang real estate company.
Ito ang magdadala kay Benjie sa maliit na bayang Pelangi.
Dito na magkakakilala sina Sinag at Benjie. Ito na nga ba ang natatanging pag-ibig na babago sa kanilang mga buhay?
Ang Destined To Be Yours ang unang teleseryeng pagbibidahan ng phenomenal love team na AlDub!