
Sa loob ng anim na taon, naging mukha ang batikang komedyante na si Eugene Domingo ng GMA weekly comedy anthology na Dear Uge.
Kaya sa pagtatapos ng programa noong Linggo, February 13, naging emosyonal ang aktres sa kanyang Instagram post.
Sulat niya, "Today is the last airing of @dear.uge! I am receiving a lot of love and thank you messages from the cast, creative team, bosses and most especially from you, dear followers.”
"I am so grateful for the 6 years of beautiful memories, and also I am very proud of the TEAM, nalampasan pati hamon ng pandemya, that is real dedication and confidence!" dagdag niya.
Matatandang nag-reformat ang Dear Uge noong May 2021 para bagayan ang "new normal" bunsod ng COVID-19 pandemic.
Hindi naging madali ang proseso ng taping sanhi ng pabagu-bagong restrictions na kailangang sundin. Grateful naman si Uge na nalagpasan ito ng production team sa pamumuno ng executive producer ng Dear Uge na si Maricar Teodoro.
Patuloy ni Uge, "Shoutout to ms. @cai_teodoro who has been part of almost all my shows in GMA, thank you for your support, understanding & love."
Dugtong pa niya, "To my bosses in GMA, maraming, maraming salamat sa trabaho at sa tiwala! Hanggang sa muli."
Proud din si Uge sa kanyang show dahil sa collaboration ng iba't ibang artista na naging guests sa programa. Nilakipan pa niya ang kanyang post ng larawan ng trophy ng Dear Uge nang itanghal itong Best Comedy Program ng Catholic Mass Media Awards noong 2018.
"With so much gratitude, Dear Uge TEAM, take a bow!!! #welldone," pagtatapos ni Uge kalakip ng clapping hands emojis.
Mapapanood ang past episoded ng Dear Uge sa GMANetwork.com o GMA Network app.