Herlene Budol, nahirapan sa tambalan nila ni Empoy sa 'Black Rider'
Patok na patok ang tambalan ng mga komeyanteng sina Herlene Budol at Empoy sa top rating full action series na Black Rider.
Gumaganap dito si Herlene bilang manikuristang si Pretty habang si Empoy naman ay masipag na delivery na si Oka.
Maraming mga manonood ang kinilig sa unexpected romance ng kanilang mga karakter na tila aso't pusa.
Inamin ni Herlene na naging mahirap para sa kanya ang makatrabaho si Empoy.
"Ang hirap po niyang katrabaho. Sobrang hirap po kasi parang 'yung itsura niya pa lang, hindi pa po nagsasalita, natatawa na po ako," kuwento ni Herlene.
"Kahit heavy scene po kami na kailangan kong iiyak ako, 'pag nakikita ko 'yung mukha niya, nawawala po ako sa character ko kasi nagiging fangirl po niya ako," dagdag niya.
Halos lahat daw ng ginagawa ni Empoy ay nakakatawa para kay Herlene.
"Bata pa lang po ako, napapanood ko na po 'yung isang Empoy so ako po, konting kilos niya, konting kibto, natatawa na po ako. Kaya nahihirapan po ako sa kanya kasi parang lumalabas 'yung pagiging ako talaga, hindi po si Pretty 'yung nandoon," kuwento ng aktres.
Hindi rin daw inasahan ni Herlene na magiging maganda ang chemistry nila ni Empoy.
"Actually, si direk Rommel [Penesa] po ang nagsabi sa akin na meron talaga. Sabi ko, 'Talaga ba, direk?' kasi parang ine-enjoy ko lang po bawat moment namin. Masaya naman po kami kapag naglalandian kami kapag nandoon na mismo. Ine-enjoy lang namin bawat moment 'pag si Empoy po 'yung ka eksena ko," bahagi ni Herlene.
Sa pagtatapos ni Black Rider, makukuha na ba nina Pretty at Oka ang kanilang happy ending?
Image Source: herlene_budol (Instagram)
Patuloy na panoorin mga parating na episodes ng 2024 New York Festivals bronze medalist at 2024 Gandingan Awards Most Development-oriented Drama Program na Black Rider!
Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Walang magpapaiwan sa papalapit na heroic finale ng full action series na Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May simulcast ito sa digital channel na Pinoy Hits at may delayed telecast naman sa GTV, 10:00 p.m.
Maaari rin itong mapanood via livestream sa Kapuso Stream.