TV

Kylie Padilla, inihambing si Ruru Madrid sa amang si Robin Padilla

By Marah Ruiz
Ano'ng nakikitang pagkakapareho ni Kylie Padilla sa pagitan ni Ruru Madrid at ng tatay niyang si Robin Padilla?

May special participation si Kapuso actress Kylie Padilla sa upcoming full action series na Black Rider.

Makakatambal niya muli dito ang mabuting kaibigan na si Kapuso Action Drama Prince Ruru Madrid.

Gaganap siya sa serye bilang Berniece, ang asawa ng karakter ni Ruru na si Elias.

Dahil maaksiyon ang mga eksena sa serye, talagang napahanga daw si Kylie sa ibinubuhos na effort dito ni Ruru.

Sa katunayan, inihambing pa niya ito sa kanyang action star na amang si Robin Padilla.

"May mga kilos si Ruru na nakikita ko talaga 'yung tatay ko. Sinasabi ko nga sa kanya, 'You look like my dad.' Actually, nakakatawa kasi nagko-compete kaming dalawa kung sino [ang] mas magaling gumaya," bahagi ni Kylie.

Matatandaang nakilala ni Ruru si Robin kamakailan at ibinahaging isa ito sa mga idolo niya.

Bukod kay Kylie, may dalawa pang mahahalagang babae na bubuo sa kuwento ng Black Rider.

Bibigyang-buhay ni Katrina Halili si Romana, isang misteryosang assassin.

"Ito 'yung dalawang buwan na may training. Kahit wala akong taping, may training pa din. Okay naman, happy naman kasi first time ko," paliwanag ni Katrina tungkol sa motorcycle at martial arts training na ginawa niya bilang paghahanda.

Bahagi din ng serye si Yassi Pressman na gaganap naman bilang Vanessa, street-smart at palabang babaeng makikilala ni Elias. Masaya daw si Yassi na muling makatambal si Ruru matapos ang kanilang pelikulang Video City.

"Very easy, I still feel exactly the same po. Katulad po noong sinabi ko before, Ruru is so easy to work with. Saludo po ako sa dedication niya rin po sa trabaho, very professional and very passionate," papuri niya sa co-star.

Samantala, proud naman si Ruru sa pagsisikap ng cast at production ng show para sa Black Rider.

"It's really action-packed talaga. Sobrang pinaghandaan namin lahat ng mga eksena. Sa lahat ng mga foreign films na napapanood natin na mga action, alam ko sa sarili ko na kaya rin nating gumawa noon," lahad ng aktor.

Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.

Bukod kay Ruru, Kylie, Katrina at Yassi, bahagi din ng serye sina Matteo Guidicelli, Gary Estrada, Rio Locsin, Raymart Santiago at marami pang iba.

SILIPIN ANG STAR-STUDDED CAST NG BLACK RIDER DITO:



Abangan ang Black Rider, magsisimula na sa November 6 sa GMA Telebabad.

NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.