Puksaan nina Herlene Budol at Thea Tolentino sa 'Binibining Marikit', trending sa social media
Trending ngayon sa social media ang confrontation scene nina Herlene Budol at Thea Tolentino sa pinag-uusapang drama sa hapon na Binibining Marikit.
Sa episode ng GMA Afternoon Prime series noong Huwebes, March 27, pursigido ang karakter ni Herlene na si Ikit na malaman kung ano ang tinatago ni Angela, ginagampanan ni Thea.
Natagpuan ni Ikit sa kwarto ni Angela ang isang resibo ng isang car trunk surprise package mula sa isang party supply store. Ito ang parehong supplier na nagpadala sa kanya ng bulaklak at mga lobo na pinaniniwalaan niyang galing kay Viktor.
Kinonekta ito ni Ikit sa nangyari at napagtanto niyang posibleng magkakilala sina Angela at Viktor, ang kinikilala niyang foreigner boyfriend na nang-scam sa kanya.
Dahil na rin sa paalala ni Matthew (Kevin Dasom), nadiskubre ni Ikit na ginamit lang ni Angela ang mukha ng lalaki para makahuthot sa kanya ng pera.
Sinugod ni Ikit si Angela sa Tinipak River habang nagne-nature trip kasama ang iba pang vloggers, at doon niya kinompronta si Angela para panagutan ang kasalanan nito. Pero si Angela, hindi pa rin umamin.
Sa ngayon, may mahigit 500,000 views na ang matinding eksena nina Herlene at Thea sa Binibining Marikit sa Facebook page ng GMA Drama.
Marami naman ang nakisimpatiya kay Ikit dahil sa mga pinagdaanan nito.
Sabi ng isang commenter, "Ramdam ko gigil ni ikit."
Kinampihan din si Ikit ng netizens na galit din sa ginawa ni Angela.
Komento ng isa, "Ikit, laban. 'Wag kang magpatalo kay Angela."
Sa pagpapatuloy ng kwento ng Binibining Marikit, pursigido si Ikit na mabawi ang kanilang lupain matapos itong ibenta ni Rica (Almira Muhlach).
Naniniwala si Ikit na taliwas ito sa kagustuhan ng kanyang namayapang ama dahil pinunit nito ang pinirmahan niyang kontrata.
Mapapanood ang Binibining Marikit mula Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m. sa GMA at Kapuso Stream.