Mabubulabog ang halos perpektong buhay ng mag-asawang Jessie at Brylle matapos madukot ang kanilang anak na si Ethan.
Hindi magkamayaw si Jessie sa paghahanap sa anak dahil hindi niya lubos maisip na may nais manakit sa kanilang pamilya.
Sino ba namang pupuntirya sa isang stay-at-home mom na kung hindi abala sa kanyang anak ay naglilibang lang sa pagsusulat sa kanyang munting blog?
Sa tingin naman ni Brylle may motibo si Amado, ang ama ng isa sa kanyang mga pasyente. Hindi kasi niya nailigtas ang anak nito at simula noon, hina-harass na sila nito.
Hindi naman masabi ni Brylle sa mga pulis ang tungkol sa isa pang tao na may matindi ring motibo para gumanti sa kanya.
Ayaw kasi niyang ipaalam sa asawa ang naging affair niya kay Reign. Agad man niyang pinutol ang ugnayan nila ni Reign, ayaw pa rin siyang tantanan nito.
Magagawa pa ni Reign na magpanggap bilang Marie at kaibiganin si Jessie para lalong mapalapit kay Brylle.
Samantala, makakakuha naman ng kakampi si Jessie sa pulis at dati niyang high school classmate na si Larry.
Sincere itong tumutulong sa paghahanap kay Ethan pero kasabay nito, umaasa din siya na mapalapit kay Jessie—bagay na hindi niya nagawa noong high school pa lang sila.
Sa direksiyon nina Neal del Rosario at Toto Natividad, isang tour de force ng aksiyon at emosyon ang Bihag. Abangan ito sa GMA Afternoon Prime.