Dingdong Dantes, ibinida ang mga bagong aabangan sa 'Amazing Earth' simula March 14
Inilahad ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes ang mga bagong aabangan sa special series ng Amazing Earth na “Amazing Earth in the City.”
Simula March 14, magbabahagi ang award-winning host na si Dingdong ng mga bagong kuwento tungkol sa iba't ibang urban destinations. Mapapanood na rin ang Amazing Earth sa mas pinaagang oras na 9:25 p.m.
Kuwento ni Dingdong sa “Chika Minute,” "Marami po sa mga nanonood sa Amazing Earth, nakatira sa city. Siyempre naghahanap po ng mapupuntahan at dahil summer, para doon ba sa mga limited 'yung oras at budget. Kaya kami na po ang magdadala ng kalikasan sa kanilang bahay."
Bukod sa exciting na mga lugar na perfect for summer exploration, magbabahagi rin ang Amazing Earth ng makasaysayang mga lugar tulad ng Miranila Heritage House and Library.
Ani Dingdong, "Kagaya ng Miranila Heritage House, diyan po sa puso ng Quezon City at madalas nadadaanan lang ng mga sasakyan pero magugulat ka na mayroon palang hidden gem na nandoon kung saan makikita 'yung Philippine architecture during the Spanish and American period."
Ibinahagi rin sa ulat ni Lhar Santiago na nakasama ni Dingdong ang anak niyang Sixto sa taping ng Amazing Earth sa Philippine Biodome.
"Saktong-sakto mahilig siya sa animals, tuwang-tuwa siya. Nandito siya ngayon isinama niya pa 'yung kaklase niya."
Kasama ni Dingdong sa “Amazing Earth in the City” simula March 14 ang mga Kapuso stars na sasabak sa iba't ibang challenges na inihanda ng programa.
Saad ng Amazing Earth host, "Mayroon pa tayong sirena challenge sa ating Ultimate StarStruck survivor na si Kim De Leon. Isipin niyo nag-aral po siya mag-free dive gamit ang monofins. Ang bagong Sparkle artist na si Sandy Riccio, siya po ay magiging scubasurera. Sa Cavite naman may isasama tayong upcoming artist na si Robb Guinto sa challenge na gagawin niya."
Abangan ang Amazing Earth tuwing Biyernes, 9:25 p.m. ka-back-to-back ng Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition sa GMA Network. Mapapanood din ang Amazing Earth via livestream sa Kapuso Stream at sa Facebook page at YouTube channel ng GMA Network at Amazing Earth PH.
SAMANTALA, BALIKAN ANG MGA AMAZING ADVENTURE NI DINGDONG DANTES SA AMAZING EARTH: