Dingdong Dantes, ibinahagi ang mga aabangan sa 6th anniversary ng 'Amazing Earth'
Inilahad ni Dingdong Dantes kung bakit kapanapanabik, bago, at extreme ang three-part special episodes para sa 6th anniversary ng Amazing Earth.
Nakausap ni Lhar Santiago sa 24 Oras ang Kapuso Primetime King para magbahagi ng mga aabangang kuwento sa Amazing Earth para sa kanilang ika-anim na taon sa telebisyon.
Ayon kay Dingdong, maraming firsts ang mapapanood sa Amazing Earth 6th anniversary special.
"Extreme adventures na magpapakita ng ganda ng ating mga isla. Magkakaroon ng first underwater adventure po tayo sa Amazing Earth. Bibisitahin natin yung biggest protected marine park. Then ipapasyal tayo ng head ng Tubbataha Reef Rangers sa ilalim ng dagat. Magkakaroon din tayo ng feature sa biggest permanent obstacle course sa buong mundo na located dito sa Pilipinas."
Inilahad din ni Dingdong ang tagline ng Amazing Earth ngayong taon at kung ano ang ibabahagi nila sa mga manonood.
"Ang tagline natin ngayon ay 'One Planet. Wild Adventures. Extraordinary Stories'. Kasi we want to continue bringing extraordinary stories at wild adventures na siyempre may puso para sa ating nag-iisang planeta."
Dahil anim na taon na ang Amazing Earth, saad ni Dingdong ang halaga ng kanilang programa sa pangangalaga sa ating planeta.
"Mas ramdam na natin ang epekto ng climate change kasi talagang naaapektuhan na talaga tayo. I think as a team, kahit maliit lang po kami, we do our best para maghatid ng entertaining at informative na show every week."
Tutukan ang 6th anniversary ng Amazing Earth sa June 28, July 5, at July 12, 9:35 p.m. sa GMA at sa Pinoy Hits
Mapapanood din ang Amazing Earth via livestream sa gmanetwork.com/kapusostream at sa Facebook page at YouTube channel ng GMA Network at Amazing Earth PH.