Pagkatapos mawalay sa pamilya ng ilang taon, uuwi si Pepe sa kanyang mga magulang na sina Jose at Judy para makipag-ayos. Lumaking basag-ulo si Pepe at ito ng dahilan kung bakit naging malayo ang loob niya sa amang ayaw naman ng gulo. Masayang tatanggapin ng kanyang pamilya si Pepe maliban sa kanyang ama, hanggang sa ipagtapat niya na naituwid na niya ang kanyang buhay at malapit na siyang maging abugado ngayon.
Simula na sana ito ng kasiyahan para sa pamilya De Jesus, lalo na kay Pepe na makikilala si Sarri. Pero isang trahedya ang mangyayari. Matatagpuang patay si Jose sa loob ng kanilang bahay gamit ang isang pana na pag-aari ni Pepe mula pa noong teenager siya. Aalamin ni Pepe kung sino ang may gawa nito, pero bago pa niya magawa iyon ay siya ang pagbibintangan at madidiin sa pagpatay sa sariling ama.
Makakasuhan si Pepe, makukulong at mahahatulan ng guilty. Habang pabalik sa kulungan, may magpapasabog sa sasakyang lulan si Pepe. Mahuhulog ito sa tulay at aanurin kasama siya. Dito na mapupulot ni Venus si Pepe. Ang dalaga ang tutulong kay Pepe sa martial arts training nito.
Dahil aakalain ng lahat na patay na si Pepe, dito na magdedesisyon ang lalaki na kumilos nang palihim para malaman ang totoo - kung sino talaga ang pumatay sa tatay nya at bakit siya na-frame up. Gamit ang isang bow at mga pana na gawa ng best friend niyang si Jekjek, iisa-isahin ni Pepe ang mga taong may kinalaman sa nangyari sa kanyang pamilya. Magkakaroon siya ng pagkakataon na masabotahe ang illegal operations ng mga taong iniisa-isa niya. Ang perang galing sa mga operations na ito ay ipapamudmod niya sa mga taong nangangailangan. Dahil dito, si Pepe ay mababansagang Alyas Robin Hood. Ito ang bagong katauhan na gagamitin niya para makamit ang hustisyang inaasam niya at malaman ang katotohanan sa kung sino talaga ang pumatay sa ama upang mapawalang sala ang sarili.