Abot-Kamay Na Pangarap: Open Brain surgery habang gising ang pasyente, nangyayari nga ba in real life?
Sa hit GMA inspirational-medical drama series na Abot-Kamay Na Pangarap, natunghayan ang isang eksena tungkol sa Awake Brain Surgery o Awake Craniotomy.
Sa episode na ipinalabas kahapon, February 22, napanood ang ilan sa cast ng serye na sina Jillian Ward, Kazel Kinouchi, Andre Paras, Chuckie Dreyfus, at iba pa habang nasa loob ng isang operating room.
Sumalang sina Analyn at Zoey (Jillian at Kazel) sa pinakauna nilang awake brain surgery bilang second year resident doctors sa APEX Medical Hospital.
Kasama rin nila roon ang isang guest artist na vocalist/rapper na gumanap bilang pasyente na mayroong brain tumor.
Napanood sa eksena na habang on-going ang brain surgery ay gising at naggigitara ang pasyente.
Kamakailan lang, naging usap-usapan sa social media ang tungkol sa open brain surgery na gising ang pasyente.
Ang ilan, gustong malamang kung nangyayari nga ba ang ganitong klaseng operasyon sa totoong buhay.
Bagamat fictional ang naturang eksena na napanood sa Abot-Kamay Na Pangarap ay totoong isinasagawa ang awake brain surgery.
Ayon sa isang report, hindi lang isang imbento o isang eksena sa ilang medical series ang Awake Brain Surgery kundi nangyayari talaga ito sa totoong buhay.
Sa katunayan, isang pasyente sa London ang sumailalim sa Awake Brain Surgery at habang siya ay inooperahan ay tumutugtog pa siya ng violin.
Isinagawa raw ito upang hindi maapektuhan ang kaniyang mga kaalaman sa musika kahit na sumailalim siya sa naturang operasyon.
Nagtagumpay ang mga doktor at medical staff sa isang ospital sa London dahil nanatiling mahusay sa musika at pagtugtog ng violin ang kanilang naging pasyente sa kabila ng pagsasagawa nila rito ng Awake Brain Surgery.
Panoorin ang eksenang ito:
Samantala, patuloy na subaybayan ang No.1 GMA show online na Abot-Kamay Na Pangarap.
Mapapanood ang serye tuwing Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at sa Kapuso Stream.
Maaaring balikan ang iba pang episodes ng serye rito.
SAMANTALA, KILALANIN ANG ILANG CELEBRITIES NA NAPANOOD BILANG GUESTS SA ABOT-KAMAY NA PANGARAP SA GALLERY SA IBABA: