Gladys Reyes, nag-eensayo ng wushu para sa karakter sa 'Abot-Kamay na Pangarap'
Sa pagbabalik ni Pinky Amador bilang Morgana Go sa hit afternoon medical series na Abot-Kamay na Pangarap, isang bagong karakter din ang ipinakilala sa katauhan ni Nushi G, na ginagampanan naman ni Gladys Reyes.
Napanood na ang primera kontrabida sa hit afternoon prime series kung saan gumaganap siya bilang half sister ni Morgana. Sa interview niya para sa Balitanghali, nagbigay ng kaunting teaser si Gladys kung anong klaseng karakter nga ba si Nushi G.
“Nakikita niyo na nga e, kaya nga ang pa ano ko is 'Ano ba 'to? Kakampi ba 'to o kaaway ng mga Tanyag? 'Yun ang aabangan nga nila,” sabi niya.
BALIKAN ANG NAGING REAKSYON NINA ANALYN (JILLIAN WARD) AT LYNETH (CARMINA VILLARROEL) SA PAGDATING NI MORGANA SA GALLERY NA ITO:
Gaya ni Morgana, part Chinese din si Nushi kaya naman para gawing mas kapanipaniwala ang kaniyang karakter, kasalukuyang nag-eensayo ngayon si Gladys sa sport na wushu.
“Because nakita ko rin, 'Wow, ang ganda,' for the forms, posture, felxibility, so sabi ko, 'I think I found my sport.' Wow, sport agad!” sabi niya.
Biro pa ng aktres, “Titingnan ko kung pwede ipag-combine ang hula-hoop sa wushu.”
Sa social media accounts ni Gladys, makikita ang ilang video posts niya kung saan naghuhula-hoop siya sa iba't ibang lugar.
Samantala, matatandaan na noong nagdiwang sina Gladys at asawa nitong si Christopher Roxas ng kanilang 20th anniversary, may rebelasyon ang kapwa aktres at kaibigan niya na si Claudine Barretto. Aniya, may sama ito umano ng loob kay Angelu de Leon.
Kaya naman noong nagdiwang siya ng kaniyang kaarawan noong June, ang tanging hiling niya, “Ito, honest ha, naisip ko talaga, gusto ko humingi ng lambing kay Claudine na 'Pwede ba, as a birthday gift, pwede ba magbati na kayo?'"
Matatandaan na nagpahayag si Claudine ng pagtanggi na makatrabaho si Angelu sa isang proyekto sa mismong selebrasyon ng kaarawan ni Gladys.
Sa interview ni Angelu sa vlog ng talent manager at entertainment reporter na si Ogie Diaz, sinabi niyang alam niyang magkakaayos din sila balang araw. Ipinahayag din ng Pulang Araw star ang kagustuhan niyang makaharap si Claudine nang personal para mapag-usapan nila ito.
Panoorin ang buong interview ni Gladys sa video sa itaas.