Abot-Kamay Na Pangarap: Analyn, nakaramdam ng sobrang galit nang makaharap na ang killer
Sa katatapos lang na episode ng GMA's top-rating drama series na Abot-Kamay Na Pangarap na pinalabas ngayong Huwebes (April 20), napanood ang pagtatagpo nina Analyn (Jillian Ward) at ng killer (Ryan Eigenmann).
Ilang araw matapos ang ginawang pagtulong ni Analyn sa operasyon ng holdaper na pumatay sa kanyang ninong na si Cromwell (Ariel Villasanta), nagkaroon na ng lakas ng loob ang una na kausapin ang kanyang pasyente.
Nang makita ng batang doktor ang killer ni Cromwell, hindi niya napigilang maluha dahil sa katotohanan na wala na ang kanyang ninong samantala ang lalaking kanyang kaharap ay buhay na buhay.
Kasunod nito, nilapitan niya ang lalaki at nagsimula nang bumuhos ang kanyang galit.
“Sana kasing sama mo na lang ako. Sana hinayaan na lang kitang mamatay. Sana naging gulay ka na lang. Pero hindi 'yun ang turo sa akin ng ninong Cromwell ko.”
Nang marinig ito ng killer, sinabi niyang baka raw nagkakamali lang si Analyn dahil wala siyang kilalang Cromwell.
Matapos nito, ipinakita ng batang doktor ang litrato ni Cromwell at doon na napagtanto ng killer na kilala niya nga ang tinutukoy ng una.
Bago umalis sa hospital room ng killer, matapang na sinabi ni Analyn, “Dapat kang magbayad sa mga kasalanan mo, kung hindi rito, sa kabilang buhay.”
Panoorin ang eksenang ito:
Ano kaya ang kaparusahang naghihintay sa killer?
Makakamit na ba nila ang hustisya sa mapait na sinapit ni Mang Cromwell?
Abangan ang mga susunod na tagpo sa Abot-Kamay Na Pangarap, mapapanood tuwing Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
Maaari ring mapanood ang programa online via Kapuso Stream.
Maaaring balikan ang iba pang episodes ng serye rito:
SILIPIN ANG SET NG ABOT-KAMAY NA PANGARAP SA GALLERY SA IBABA: