Filtered By: TV
Ang mga Kontrabida sa buhay ng 'Mga Basang Sisiw'
Published On: August 28, 2013, 07:14 PM
Updated On: February 21, 2020, 01:36 AM
Nasaksihan niniyo ang istorya ng magkakapatid na Faye, Justin, Shine, Cha at Mickey tuwing hapon sa GMA Afternoon Prime. Kilalanin naman natin ang mga nagpapahirap sa buhay ng Mga Basang Sisiw.
Tila pinagsakluban ng langit at lupa ang pamilya Santos simula nang bumagsak ang eroplanong sinasakyan nina Olivia (Lani Mercado) at ng kanyang limang anak na sina Faye (Bianca Umali), Justin (Renz Valerio), Shine (Kimberly Faye), Cha (Hershey Garcia) at Mickey (Miko Zarsidias). Nagkahiwa- hiwalay na ang kanilang pamilya at lalo pang pinaglalayo ng mga taong nakakaalam ng katotohanan. Inakala ng mga bata na namatay ang kanilang ina na si Olivia sa plane crash samantalang ang ama naman nilang si Froilan (Raymond Bagatsing) ay nagka-amnesia at nabaldado nang dahil sa isang car accident.
Matapos ang aksidente, pinaniwala ni Vicky (Maxene Magalona)si Froilan na s’ya ang asawa nito. Dati s’yang matalik na kaibigan ni Olivia ngunit lihim niyang minahal si Froilan. S’ya ang puno’t dulo kung bakit na-aksidente ang mag-iina – dahil nalaman ni Olivia na bumigay si Froilan sa pang-aakit ni Vicky. Kinumbinsi niya sina Froilan at kanilang mga anak na namatay si Olivia sa aksidente at inilayo ang mga bata sa kanilang ama. Sa harap ni Froilan, isang mabait na mukha ang kanyang pinapakita ngunit ang totoo ay wala s’yang malasakit sa magkakapatid at nais lang makuha ang kayamanan ng pamilya Santos. Tila naaninag nina Faye at Justin ang tunay na kulay ni Vicky kaya nag-alsa-balutan silang magkakapatid.
Nagpalaboy-laboy ang mga bata at napadpad sila isang lumang bahay na kuta pala ng sindikatong pinamumunuan ni Boss Tony (Joko Diaz). Sa ilalim ng kamay na bakal ni Boss Tony napilitan silang magnakaw kapalit ng matutuluyan at kaunting laman tiyan. Hindi kuntento sa kinikita sa pagnanakaw, naghanap si Boss Tony ng mga nangangailangan ng kidney at plinanong ibenta ang kidney ni Justin sa pasyente. Mabuti na lamang at natunton ng mga pulis ang lumang bahay at tinapos ang kasamaan ng sindikato.
Buong akala ng magkakapatid ay ulila na sila sa ina, ang hindi nila alam ay nailigtas pala ni Efren (Gardo Verzosa) si Olivia. Kinupkop, inalagaan at minahal ni Efren si Olivia. Sa kabila ng labis na pagmamahal niya kay Olivia, itinago niya ang katotohanan na buhay pa ang kanyang mga anak, sa takot na baka iwan s’ya nito. Ngunit nang dumating ang araw na hindi na napigilan ang pinaka-aasam na pagtatagpo nina Olivia, Faye at Justin, nagkunwari siyang kasing gulat ni Olivia sa pagdating ng dalawang bata.
Ngayong kasama na ni Olivia sina Faye at Justin, isa-isa na niyang babawiin ang tatlo pang anak sa mga tumatayong nanay-nanayan nila. Si Shine ay nananatili sa poder nina Vicky at Froilan. Ang mga bunso namang sina Cha at Mickey ay nasa pangangalaga ni Sally (Jaya). Pansamantalang ipinagkatiwala nina Justin at Faye ang dalawang nakababatang kapatid sa kanya para maalis sa lansangan. Ngunit ang dating napakabait na si Sally ay tila nagbabagong anyo… Madalas kinakausap ang mga manika at nakuha pang ilagay sina Cha at Mickey sa maleta para lamang maitakas mula kay Olivia.
Ano’ng pang kayang gawin ni Olivia para mabawi sina Shine, Cha at Mickey? Kailan mababasag ang ilusyong binuo ni Vicky kay Froilan at Shine para ikubli ang katotohanan? Mabubuo pa kaya ang kanilang pamilya? Sundan ang kapalaran ng Mga Basang Sisiw araw-araw tuwing 2:35 pm sa Afternoon Prime ng GMA. – Text by CJ Mendoza, GMANetwork.com