Roy Alvarez, malaking kawalan sa showbiz at kalikasan
Marami ang nagluluksa sa pagkamatay ng batikang aktor na si Roy Alvarez kahapon, February 11. Napabalitang cardiac arrest ang naging sanhi ng kanyang pagpanaw.
Kasalukuyang gumaganap bilang Don Manolo Quintana ang aktor sa GMA Afternoon Prime’s Villa Quintana na ipinapalabas pa rin hanggang ngayon. Ang lead stars nito ay sina Elmo Magalona at Janine Gutierrez.
Sa nakaraang live chat ng Villa Quintana cast kasama sina Mikoy Morales, Juancho Trivino, Rita de Guzman, Elmo Magalona at Janine Gutierrez noong nakaraang January 9, 2014, maka-ilang ulit nilang nasambit ang pangalan ng kanilang “Tito Roy”.
Tinanong ng mga fans online kung ano ang pagkain na usual nilang kinakain sa set.
At ang unang tumatak sa kanila ay ang “leche flan ni Tito Roy [Alvarez],” sagot ni Janine.
Masayang masaya ang leading man ng Villa Quintana na si Elmo Magalona na nakatrabaho niya ang veteran actor.
Pag-alala niya, “Si Tito Roy kasi meron siyang special powers na ginagamit sa amin, para mapaganda namin ang eksena, lumalapit kami sa kanya every time may mahirap kaming ginagawa sa show.. and gumagana [ito].”
“Si Tito Roy, iba ‘yung water na iniinom niya pH9, alkaline something..,” natutuwang sabi ni Rita.
“At saka hindi siya nagmi-meat,” dugtong ni Juancho.
Dagdag pa ni Janine,”Sa [Villa] Quintana kapag may eksenang kumakain, si Tito Roy kunwari lang.”
Sa huli, binuking ni Rita ang kanyang Tito Roy pagka-may eksena itong umiinom ng kape,“‘yung kape binawasan niya kasi kunwari siyang umiinom.”
Hindi lang sa pag-arte nakilala si Roy Alvarez. Isa rin siyang aktibong environmentalist. Sa katunayan presidente siya ng waste-and-pollution watch-dog, EcoWaste Coalition. Isa siya sa nagsusulong na pangalagaan ang ating kalikasan at mahalin ito. Meron din siyang ginawang environmental and ecological musical play na kanyang isinulat at idinirek – ang Pangarap, Panaginip o Bangungot.
Tumatak din ang mga characters na kanyang ginampanan sa mga Kapuso shows na My Husband’s Lover, Amaya, Pahiram ng Sandali, Unforgettable at marami pang iba.
Malaking kawalan sa industriya ng showbiz ang isa sa kinilalang actor, director, scriptwriter, mapa-pelikula, telebisyon o teatro. Hindi lang ang showbiz ang nawalan pati na rin ang kalikasan. Isang taong buo ang dedikasyon, inalay ang buhay para mapanatili ang kagandahan ng kapaligiran para na rin sa mga susunod na henerasyon.
Mananatili ka sa aming puso… Kapuso Roy Alvarez (1950-2014).
-- Text by Eunicia Mediodia, GMANetwork.com.