TV

Pia Magalona, umaming fan nina Elmo Magalona at Janine Gutierrez

Updated On: November 10, 2020, 03:43 AM
Nang makita ng GMANetwork.com si Pia Magalona, agad siyang nagpaunlak ng interview, lalo na nang sinabi namin na sina Elmo at Janine ang magiging topic. Ano nga ba ang masasabi ni Pia sa dalawa?

Natyempuhan ng GMANetwork.com si Pia Magalona, ang ina at manager ni Kapuso actor Elmo Magalona, sa isang pictorial ng pinakabagong pelikula ng GMA Films na ipapalabas this summer.

Nang makita namin si Pia, agad siyang nagpaunlak ng interview, lalo na nang sinabi namin na sina Elmo at Janine ang magiging topic.

“Oh, Isagani and Lynette,” nakangiting sagot niya nang itinanong namin ang reaksyon niya sa tambalang Elmo at Janine Gutierrez.

Kuwento ni Pia, isa siya sa masusugid na fans ng love team nina Elmo at Janine. Sa katunayan daw ay iniiwasan niyang hindi makapanood ng 'Villa Quintana'. “I actually try to follow as much as I can at home every afternoon. And if not, I go online para masundan ko 'yung istorya nila kasi very interesting,” dagdag niya.

Aniya, tuwing pinapanood daw niya ang 'Villa Quintana' ay naibabalik nito ang memories niya noong teenager pa siya. “Nararamdaman ko 'yung feeling ng dalawang teenager kasi I put myself in their place. Kasi parang ganoon na ganoon din kapag teenager ka. Parang sinusunod mo lang talaga 'yung napupusuan mo di ba? So nararamdaman ko talaga 'yung mga eksena na ginagawa nila,” paliwanag ni Pia.

Bukod sa istorya ng show, ayaw niya raw ma-miss ang scenes nina Elmo at Janine dahil kitang-kita raw niya ang chemistry ng dalawa. “Nakikita ko na bagay sila physically plus they complement each other.”

Ayon pa sa kanya, napakagaling daw ng dalawang bida ng show sa pagbitiw ng mga linya nila dahil parang natural lang daw ang mga eksena. Linaw ni Pia, hindi lang daw sa mga artista siya nagagalingan kundi pati na rin sa buong team lalo na sa direktor ng show na si Gina Alajar.

Dahil aminadong fan si Pia ng love team, ikinuwento niya ang itinawag niyang combination sa dalawa. “Ang ginawa kong combination sa kanila is GaniLyn kasi Gani and Lynette. Tapos si Isagani kasi kapag nagtatago siya, tinatawag ko siyang Isaganinja, kasi nagni-ninja moves siya di ba,” ang natatawang kuwento ni Pia.

Ano ba ang nagustuhan ni Pia sa istorya ng Villa Quintana? “Aside from the kilig factors, kaabang-abang din kung ano 'yung gagawin nila, kung paano nila mare-resolve 'yung problema nila sa family at saka sa kanilang dalawa. Kasi parang they want to make a commitment to each other pero hindi pa puwede.”

Patuloy na subaybayan sina Elmo Magalona at Janine Gutierrez bilang Isagani at Lynette sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime.

- Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com
NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.