Lotlot de Leon at Pia Magalona, boto sa tambalang Janine-Elmo
Sa ginanap na GMANetwork.com live chat kasama ang cast ng Villa Quintana noong January 9, kapansin-pansin ang kakaibang closeness ng dalawang bida sa Afternoon Prime soap na sina Elmo Magalona at Janine Gutierrez.
Bukod sa hindi sila mapaghiwalay, tyempo namang pareho silang nakasuot ng puti noong araw ng chat, na lalong nagpaisip sa mga chatters kung sila na nga ba. Hindi din nakatulong ang palagiang panunukso ng ibang cast ng Villa Quintana na sila Juancho Trivino, Mikoy Morales at Rita de Guzman.
Kaya naman tinanong ng GMANetwork.com sina Elmo at Janine kung bakit nga ba pareho silang naka-puti. Agad naman itong sinagot ni Elmo at sinabi niyang nagsuot siya ng kulay puti dahil ito raw ang paboritong kulay ng kanyang ka-love team na si Janine. Napatawa na lamang si Janine at tila kinilig sa sagot ng aktor.
Isa pang tanong ang sinagot nina Elmo at Janine na mula sa fans nilang naka-online noon. “Magkasundong-magkasundo talaga kayo, how do your moms feel about your tandem?”
“For me siguro my mom (Pia Magalona) is just really supportive naman sa lahat ng ginagawa ko especially with Villa (Quintana). And she really likes Janine,” pahayag ni Elmo. Isang sweet na ngiti ang naging reaction ni Janine nang sagutin ni Elmo ang tanong.
Nagbato naman agad ng follow up question ang co-star ni Elmo na si Mikoy, “so approved kay mom if ever things get out?” Napahalakhak na lang ang Villa Quintana love team sa tanong na ito.
Tila umiwas sa issue si Elmo at inilayo ang sagot sa tanong ni Mikoy, “basta she (Pia) really likes watching Villa. Actually she watches Villa every time she gets the chance - online or even habang ipinapalabas siya sa TV. So iyon, every time na nakikita niya ako.”
Nang si Janine naman ang sumagot sa tanong kung ano ang say ng kanyang ina at manager na si Lotlot de Leon sa love team nila ni Elmo, boto rin daw ito sa tandem nila tulad ni Pia. “My mom really likes you (pointing to Elmo),” saad ng aktres.
Hiniritan naman agad ni Elmo ang statement ni Janine at sinabi niyang binobola lang daw siya ng ka-love team. Pahayag naman ni Janine, “hindi kita binobola.”
Kuwento ni Janine, kung minsan daw habang ipinapalabas ang Villa Quintana ay bigla na lamang tumatawag si Lotlot sa kanya para lang sabihing bagay sila ni Elmo.
Kung boto ang mommies nina Elmo at Janine sa love team nila, boto rin kaya sila kung magiging mag-partner sila sa likod ng camera?
Patuloy na subaybayan sina Elmo Magalona at Janine Gutierrez sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga sa GMA Afternoon Prime. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com