'The Borrowed Wife' Rewind on January 26
Noong Lunes lang nagsimula ang kauna-unahang drama offering ng GMA ngayong 2014, ang 'The Borrowed Wife'.
Para sa mga hindi nakapanood ng pilot week nito, narito ang highlights ng istorya na iikot sa characters nina Maricar/Sophia (Charee Pineda/Camille Prats), Rico (Rafael Rosell), Tessa (Pauleen Luna), at Earl (TJ Trinidad).
Matalik na magkaibigan sina Maricar at Tessa. Ngunit nagkaroon ng lamat ang kanilang samahan nang pumasok sa buhay nila si Rico. Si Rico ang lalaking kinahuhumalingan ni Tessa. Pero nang makilala ni Rico si Maricar, nag-iba ang ihip ng hangin dahil hindi niya na pinansin si Tessa. Nang umalis si Tessa patungong Amerika ay binalak ni Rico na makuha ang loob ni Maricar. Nagtagumpay naman siya at nagkaroon sila ng relasyon ni Maricar.
Pagbalik ni Tessa ay inamin agad ni Maricar sa kaibigan na may relasyon sila ni Rico. Nagalit si Tessa at kinamuhian niya ang dalawa. Kinalimutan na niya ang kanilang pagkakaibigan. Wala nang nagawa sina Maricar at Rico kaya kahit galit sa kanila si Tessa ay nagpakasal pa rin sila. Nagpakalayo si Tessa at matagal nilang hindi nakita.
Pagkaraan ng pitong taon, nagbalik sa Tessa sa buhay ng mag-asawang Maricar at Rico. Mayroon siyang itinayong business at kinuha niya bilang CFO (Chief Financial Officer) si Rico, na noo’y walang trabaho. Dahil kailangan talaga ni Rico ng trabaho para sa kanyang pamilya ay tinaggap niya ang alok ni Tessa.
Naghinala si Maricar na may balak si Tessa na agawin si Rico sa kanya. Hindi naman siya nagkamali dahil mismong anniversary nilang mag-asawa nang may nangyari kina Rico at Tessa. Nahuli sila ni Maricar. Dahil dito, lumayas si Maricar at nagpunta sa isang resort. Hindi alam ni Rico kung saan nagpunta ang asawa.
Sa resort, nakilala ni Maricar si Earl na noo’y heartbroken din tulad niya. Dahil parehong naghahanap ng masasandalan ay muntik na silang mahulog sa isa’t isa. Ngunit hindi ito natuloy dahil nagising sa katotohanan si Maricar na may asawa siya. Nagpaalam siya kay Earl para umuwi na kay Rico ngunit hindi ito pumayag. Ikinulong ni Earl si Maricar at tila nababaliw na pinagkamalan si Maricar bilang dating kasintahan nitong nang-iwan sa kanya. Sa kuwarto kung saan naroon si Maricar, nag-overheat ang air conditioner at lumiyab ito na ikinasunog ng lugar. Napuruhan ng apoy ang katawan ni Maricar lalo na ang kanyang mukha.
Ano kaya ang mangyayari kay Maricar matapos siyang masunog? Makabalik pa kaya siya sa kanyang pamilya?
Panoorin muli ang unang linggo ng The Borrowed Wife ngayong January 26, before Sunday All Stars.
- Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com