TV

Kobe Paras, unang Pinoy sa NBA?

Updated On: March 11, 2020, 04:57 AM
Nakaka-pressure daw, ayon sa anak ng PBA Tower of Power.
By CHERRY SUN

 

Maraming humanga sa ipinakitang gilas ni Kobe, anak ni PBA Tower of Power Benjie Paras, sa paglalaro niya ng basketball sa Amerika.

Siya na kaya ang kauna-unahang purong Pinoy na makakapaglaro sa NBA?

December last year nang lumipad patungong Amerika si Kobe upang maglaro kasama ng Cathedral High School sa Los Angeles, California under a scholarship grant.

Aminado si Kobe na hindi naging madali ang kanyang paglipat abroad. Kahit dalawang linggo pa lamang siyang nawala ay na-homesick na siya agad at na-miss ang kanyang pamilya.

Aniya, “Kinausap ko nga si Dad, parang nahirapan na po ako. Sinabi niya, ‘Saan sa basketball o sa ano (school)?’ Sinabi ko sa basketball rin kasi iba po ‘yung style nilang magturo doon eh, tsaka ‘yung environment po.”

“Pero nu’ng kinausap ako ni Dad, parang sinabi niya na minsan lang ‘yung opportunity na ‘to. So I just took it as motivation, at saka ginalingan ko na lang,” dagdag niya.

Sa kanyang paglalaro, napukaw din niya ng atensyon ng iba’t ibang Division 1 universities sa Amerika. Ayon sa isang online report, kabilang sa mga nag-alok ng scholarship sa binata ang University of California Irvine, Portland State University, at University of Texas at Arlington.

Ang National Collegiate Athletic Association (NCAA) Division 1 ang pinakamataas sa lahat ng intercollegiate athletics at ang kadalasang pinagkukunan ng mga manlalaro para sa National Basketball Association (NBA).

Pinakaaasam ni Kobe ang makapaglaro sa NBA ngunit, ayon sa kanya, focused muna siya sa kanyang high school.

Aniya tungkol sa usapang NBA, “Pag sinasabi po sa akin, parang kinakabahan po ako kasi ‘yung pressure nasa akin. Pero hindi ko naman iniintindi ‘yun eh, may high school pa po kasi ako. So tatapusin ko po muna, then hopefully college, then doon ko na lang iisipin po.”

Nag-eensayo ngayon si Kobe kasama ng batang team ng Gilas Pilipinas para sa kanilang laban sa FIBA Under-18.

Ang kanyang simpleng hiling: “Suportahan niyo po kaming Under-18 Gilas Pilipinas po, happening at Qatar on August 19-28. Please support us.” 
NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.