
Itinuturing ng veteran actor na si Joey de Leon na “pinakamasarap na trabaho” ang pagiging komedyante.
“Huwag na yung sikat ka, huwag na yung malaki ang kita mo. Marami kang nami-meet na idols mo, mga hinahangaan mong tao,” sabi ng actor-TV host sa ginanap na media conference ng My Teacher sa Winford Hotel Manila kahapon, December 12.
Pero nang tanungin kung ano ang pinakaayaw niya sa trabaho sa showbiz, ito ang pagiging late ng mga kasamahan.
Sa katunayan, nabanggit ni Joey na minsan na siyang nagpahinto ng programa dahil sa pagiging late ng kanyang mga katrabaho.
“Sa akin, yung sa time, e. Sabi nga nung iba, e, nang-aaway sila kapag may nale-late. Sabi ko, 'Wala 'yan!' Ako, matindi ako, kapag may nale-late, nilalayasan ko yung show, pinapasara ko,” sabi ni Joey.
Kasunod nito ay ibinahagi niya kung bakit nawala sa ere ang comedy show na T.O.D.A.S. noong dekada '80.
Kuwento niya, “Noong araw, may show kaming T.O.D.A.S. sa channel 13. Bakit natigil yun? Dahil sa akin. Nagalit ako dahil na-late yung ibang cast.
“Sabi ko, 'Tigilan na 'to.' Hindi lang walk out, pinatigil ko yung show. Kaya sabi ko, wala 'yan, wala 'yang mga away-away na 'yan.”
Kaugnay nito, payo ni Joey sa mga kapwa artista, “Ang importante kasi kapag na-late ka, lalo ngayon sa cellphone, tatawag ka lang, 'Male-late ako.'
“Kasi, most ng artista sinungaling, e, 'Nasaan ka na?' 'Nandito na ako sa EDSA.' Actually, nasa Bulacan pa yun. May mga ganun, e.
“Totoo 'to, seryoso ako. Tatawag ka lang, sabihin mo. E, ang nangyari sa akin noon, nalaman ko nag-date lang o may ginawang iba. Hindi tumawag, puwede naman sa telepono sa opisina [noon]. E, ako, ang aga-aga ko palagi sa set.”
Samantala, tila hindi naman ito naranasan ni Joey sa pagbibidahan niyang Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na My Teacher, kung saan makakasama niya ang dating Eat Bulaga co-host niyang si Toni Gonzaga.
“Medyo masakit gumising sa umaga, pero nakaraos,” biro ni Joey.
Ikinatuwa rin niya ang pagpayag ng direktor ng pelikula at asawa ni Toni na si Paul Soriano na magpasok ng kaunting pagpapatawa sa drama movie na ito.
“Pinayagan niya naman at saka ang gusto ko rin naman ay hindi masyadong seryoso para kumpleto. Kumpleto yung pelikula, e. At saka na-miss ko yung sa Iskul Bukol, e, tungkol sa school ito. Na-miss ko rin si Miss Tapia, Miss Toni naman ngayon,” ani Joey.
Sa huli, hinikayat niya ang mga Pilipinong manonood na tangkilikin ang mga pelikulang bahagi ng MMFF 2022.
“Sana tangkilikin ninyo, hindi lang ito [My Teacher], kundi lahat ng pelikulang kasama sa MMFF,” pagtatapos niya.
HABANG HINIHINTAY ANG MMFF 2022, TINGNAN ANG MGA KAPUSONG BUMIDA RITO NOONG 2021: