TJ Monterde, ipinagmalaki ang ganda ng Visayan pop songs sa 'Eat Bulaga'
Sa episode ng Eat Bulaga nitong Lunes, November 28, isa ang singer-songwriter na si TJ Monterde sa naging guest choices sa segment na "Bawal Judgmental."
Isa sa napag-usapan sa kanyang guesting ay ang kanyang mga isinulat na regional songs o ang mga kanta gamit ang regional dialect gaya ng Visayan pop songs.
Ayon kay TJ, high school student pa lamang siya nang magsimula siyang magsulat ng mga kanta at humuhugot lamang siya ng inspirasyon sa iba't ibang mga bagay.
"High school po ako nung una akong magsulat ng songs, tapos pwede mo siyang makuha sa hindi lang sa personal experience e, maraming pwedeng paghugutan ng inspirasyon," ani TJ.
Kahit na marami na rin siyang naisulat na Tagalog songs, aminado naman si TJ na iba rin ang saya na kanyang nararamdaman kapag nagsusulat ng kanta gamit ang kanyang native tongue.
Kahit saan po pero yung regional kasi iba rin yung pakiramdam na naidudulot sa amin, na yung yung salita [na ginagamit] namin, native tongue.
Aniya, "Iba siya e, kunwari may Tagalog song tapos in-English, medyo iba na siya kapag in-English 'di ba? parang ganun din sa Bisaya e. May magic talaga kapag native tongue."
"Siguro baka nga mas easier po e, kasi mas malawak 'yung vocabulary ko sa regional kasi it's what I speak," dagdag pa niya.
Ipinagmalaki rin ng OPM singer-songwriter na maraming magagandang awitin na isinulat sa Bisaya o Cebuano.
"Sobrang daming magagandang song lalo na sa Vispop, you take a listen to it on Spotify, Cebuano pop, as in sobrang madaming magagandang songs and sobrang lawak.
"Sana mabigyan ng pagkakataon na ang bisaya songs naman ang mapakinggan natin," ani TJ.
Isa sa mga isinulat na regional song ni TJ ay ang awiting "Kung Siya Man," na inspired sa awitin ng kanyang asawa at kapwa OPM singer na si KZ Tandingan na "Mahal Ko o Mahal Ako."
Kuwento ni TJ, "Tulad nung 'Kung Siya Man,' nung time na 'yun lumabas 'yung kanta ni KZ na 'Mahal Ko o Mahal Ako,' tapos kapag tinatanong mo 'yung mga tao kung sino ang pipiliin nila, 'Mahal mo o mahal ka?,' laging pinipili 'yung 'Mahal ka.'
"So ngayon ginawan ko ng istorya si 'Mahal ako,' 'yung hindi napili, kaya kung siya man ang mapili mo, okey lang pero wag ka lang niyang iiwan kasi kapag nangyari 'yan tayo ang magkakatuluyan," saad niya.
Si TJ ang singer-songwriter sa OPM hit songs na "Tulad Mo," "Ikaw at Ako," at "Hanggang Dito Na Lang."
Samantala para sa iba pang inspiring stories sa "Bawal Judgmental," tumutok sa Eat Bulaga, Lunes hanggang Biyernes, 12 p.m.; at tuwing Sabado, 11:30 a.m. sa GMA.
BALIKAN ANG NAGING INTIMATE WEDDING NINA TJ MONTERDE AT KZ TANDINGAN SA GALLERY NA ITO: