'Bad Genius: The Series,' mapapanood na sa GMA!
Malapit nang mapanood sa GMA ang Bad Genius: The Series na hango mula sa critically-acclaimed na pelikulang Bad Genius!
Pinagbibidahan ni June Plearnpichaya, Jaonaay Jinjett, Ice Paris, at Nana Sawanya, ipakikita ng Bad Genius: The Series ang masalimuot na mundo ng mga estudyanteng Thai na nais lamang gumanda ang kanilang lagay sa buhay.
Kuwento ito ng apat na estudyante - si Lin (June Plearnpichaya), Bank (Jaonaay Jinjett), Pat (Ice Paris), at Grace (Nana Sawanya).
Bagamat isang henyo, paghihiganti ang hanap ni Lin laban sa headmistress ng paaralan kung saan siya pumapasok dahil sa suhol na hiningi nito mula sa kaniyang ama.
Si Bank naman ay isang butihing anak na palagi na lang pinagkakaitan ng tadhana. Nang dahil sa isang malupit na dagok sa kaniyang buhay, mapipilitan siyang gawin ang isang bagay na hindi niya akalaing magagawa niya.
Ang anak-mayaman naman na si Pat ay matutulak na gumawa ng hindi kanais-nais na bagay para lamang ma-meet ang matataas na expectations sa kanya ng kaniyang ama.
Sabit din sa masalimuot na mundong ito si Grace, ang girlfriend ni Pat, na hindi magawang humindi sa pag-uudyok ng mga kaibigan.
Tulad sa pelikula kung saan ito naka-base, nanalo ang Bad Genius: The Series ng mga award sa Thailand. Ilan lamang sa mga parangal na nakuha nito ay Best TV/Drama Series, Best Screenplay, Best Director, at Best Team Ensemble.
Antabayanan ang Lakorn series na Bad Genius: The Series sa GMA simula January 24, mula 11:30 a.m. hanggang 12 noon.