Jennylyn Mercado, umaming muntik nang makunan
Sa pinakabagong episode ng After All web series nina Kapuso couple Jennylyn Mercado at Dennis Trillo, ipinasilip nila ang kanilang home life matapos umuwi ni Jennylyn mula sa lock-in taping.
Matatandaang nakaranas si Jen ng spotting habang nasa lock-in taping ng upcoming series na Love.Die.Repeat kaya minarapat nila na tumigil muna siya sa pagtatrabaho.
Si Dennis pa mismo ang sumundo sa kanya mula sa set nitong nakaraang September.
"Siyempre pasalamat din ako sa GMA dahil pinayagan nila 'kong alagaan 'yung sarili ko at 'yung baby ko. Thank you po dahil pinili n'yo pa rin na hintayin ako at ibigay pa rin sa akin 'yung show na 'yun," mensahe ni Jen sa kanyang home network.
Dahil maselan pa ang kundisyon ng aktres, naging very hands on si Dennis sa pag-aalaga dito. Si Dennis pa mismo ang naghahanda ng pagkain ni Jennylyn at inaakayat niya ito sa kanilang kwarto dahil naka bedrest muna ito.
Na-diagnose si Jen ng low blood kaya kinailangan niyang kumain ng mga pagkaing makakatulong sa produksiyon niya ng dugo tulad ng leafy green vegetables at red meat. Bawal din siya sa maaalat na pagkain.
"Siyempre doon sa vegetables namin, gusto naming mag-thank you sa aking ama dahil mayroon siyang hydroponics set up sa bahay kung saan may mga tanim siya. Lettuce, spinach, kale," kuwento ni Dennis.
"Iba 'yung fresh--'yung pagkakuha pa lang, ipapadala na dito 'di iba? Iba 'yung lasa," dagdag naman ni Jen.
Noong ika-walong linggo ng pagbubuntis ni Jen, nagpaka-check up siya sa ikalawang pagkakataon. Naging maganda naman ang resulta ng kanyang konsultasyon kaya tinanggal na ang gamot na pampakapit ng bata.
Pinayagan na rin siyang mag-workout. Gayunpaman, aminado sina Dennis at Jennylyn na naging kampante sila.
"Habang nagpi-pilates ako, nakaramdam ako ng ayan na naman, may pain na naman ako sa balakang. Tapos nagkaroon ako ng pain sa puson, sa pelvic area. Mayroon na namang pain at hindi na naman ako kumportable. After noon inaaraw-araw na 'yung pain. Nararamdaman ko na hindi na 'ko okay," paliwanag ni Jen.
Kumonsulta si Jen sa kanyang doktor sa pamamagitan ng text at ikinalarma naman nilang dalawa ang naging sagot nito.
"Looks like you're having threatened abortion," sulat ng doktor ni Jen.
Ayon sa HealthLine, ang threatened abortion ay vaginal bleeding o pagdurugo na nararanasan sa unang 20 weeks ng pagbubuntis. Maaari rin makaranas ng abdominal cramps kasama ng pagdurugong ito. May posibilidad din na matuloy sa miscarriage o pagkalaglag ng bata ang threatened abortion.
Dahil dito, itinigil na muna ni Jennylyn ang pag-eehersisyo at bumalik sa bed rest. Bumuti naman ang kundisyon niya at ng kanyang anak matapos ang dalawang linggo.
"Na-realize ko na ang sarap pala magbuntis nang may taga alaga sa 'yo," lahad ni Jen.
"Napaka suwerte ko nandito si Dennis sa tabi ko," dagdag pa niya.
"Marami akong mga pagkakamali noon, mga pagkukulang sa pagiging tatay, sa pagigign ama. Sa pagkakataong 'to, gusto kong bumawi. Ayokong maka-miss ng anything na hindi ako kasama doon sa experience na 'yun," seryosong pahayag ni Dennis.
Bukod dito, ibinahagi nila na sa susunod na taon at sa ibang bansa sana nila planong magpakasal. May ipinapagawa rin silang mountainside home kung saan sana nila dadalhin ang sanggol na iluluwal ng kanilang surrogate.
Pero napaaga ang pagbubuntis ni Jen ang kanilang mga plano. Sa susunod na episode ng kanilang vlog series, ibabahagi nila ang tungkol sa kanilang intimate at pribadong wedding ceremony.
Sa ngayon, panoorin ang ika-apat na episode ng After All web series nina Dennis at Jennylyn.
Samantala, silipin ang wedding photos nina Dennis at Jennylyn dito: