Mang Tani, nagbalik na sa set ng '24 Oras'
Nakabalik na mula sa Australia si "ekspertong totoo" at GMA News Resident Meteorologist Nathaniel "Mang Tani" Cruz.
Sa kanyang pagbabalik sa bansa, muli na siyang masisilayan sa set ng flagship news program ng GMA Network na 24 Oras.
Kagabi, November 5, nakatanggap siya ng isang warm welcome mula sa 24 Oras news anchors na sina Mike Enrique, Mel Tiangco, Vicky Morales at maging kay Kuya Kim Atienza.
Source: kuyakim_atienza (IG)
"Siyempre, hindi ko palalampasin ang pagkakataong batiin ang aking mentor sa pag-uulat ng panahon. Welcome back, Mang Tani," excited na sambit ni Kuya Kim.
"Sa akin ang karangalan, Kim, sa pagtuturo sa iyo. Welcome," pabalik na pagbati ni Mang Tani kay Kuya Kim.
"Hindi po ako matututo ng weather kung hindi po dahil sa inyo, Mang Tani," pahayag ni Kuya Kim.
"Wow! Sino bang mag-aakala na magsasama-sama tayong lahat dito. Ang saya-saya," sambit naman ni Vicky.
"Welcome back, Mang Tani! Marunong ka pa bang mag-Tagalog? Ang tagal tagal doon eh," biro ni Mel tungkol sa paglalagi ni Mang Tani sa Australia.
Isang espesyal na saludo naman ang ibinigay ni Mike para sa kanya.
"Hindi niyo alam, mga Kapuso, ang batian naman ni Mang Tani ay sauldo. Kaya para sa inyo ngayong gabi, Mang Tani, isang espesyal na pagsaludo, pugay kamay," bati niya.
Panoorin ang muling pag-welcome ng 24 Oras kay Mang Tani sa video sa itaas.
Samantala, nag-post din si Kuya Kim sa kanyang Instagram account tungkol sa naging reunion nila ni Mang Tani.
"Welcome back @mangtanicruz ! It's an honor to work with you! Mang Tani was my mentor in @pagasa.ph when I started doing weather 17 years ago," sulat niya sa caption ng picture nila habang nasa 24 Oras studio.
Pati si Igan Arnold Clavio, may pa-welcome post sa meteorologist.
"Nagbabalik ang ekspertong totoo," sulat niya sa caption ng video ni Mang Tani mula naman sa set ng Unang Hirit.
Nag-share pa si Igan ng video nila habang sumasayaw, kasama sina Susan Enriquez at Connie Sison.
"Pa-WELCOME DANCE kay Mang Tani kasama si Master at ang Dos Hermanangs," sulat niya sa Instagram.
Matatandaang ilang buwan din namalagi si Mang Tani sa Australia para makasama ang kanyang pamilya habang may pandemya pa.
Welcome back, Mang Tani!