
Binasag na ni Mark Herras ang kanyang katahimikan tungkol sa sinabi ng kanyang dating manager na si Lolit Solis na nanghiram ito sa kanya ng PhP 30,000 para sa pang-gatas ng kanyang anak.
Nang tanungin ng Tunay na Buhay host na si Pia Arcangel si Mark kung may katotohanan ba ang sinabi ng kanyang dating talent manager, mariin itong itinanggi ng StarStruck Season 1 Ultimate Male Survivor.
“Kaya rin kami nagkaproblema ni Nanay kasi siyempre nadamay na 'yung anak ko eh,” ani Mark. “Kasi si Corky is breastfed from day one. So, sabi ko, 'Paano ko manghihingi ng pang-gatas kung breastfed si Corky from day one up to now?'”
Ayon din kay Mark mukhang ginawa lamang 'yun ni Lolit Solis upang muling umingay ang kanyang pangalan.
“Ang sinabi ko na lang doon sa interview namin kahapon, 'Alam niyo naman ang mga managers, lalo na si Nanay, lalo na kapag ang alaga nila ay nananahimik sa industriyang ito, gagawa at gagawa ng ingay 'yan para sa mga alaga nila,” pahayag ni Mark.
“Pero this time kasi ayaw ko lang din nung naging ingay kasi nadamay 'yung anak ko eh. Kaya humantong kami sap ag-separate namin ni Nanay na hindi ko na siya manager, 'di ba? Pero, Nanay will always be my nanay,” dagdag pa niya.
Sina Mark Herras at Tunay na Buhay host Pia Arcangel | Source: Tunay na Buhay
Muling tinanong ni Pia kung lumapit ba talaga si Mark kay Lolit kamakailan para manghingi ng tulong. At pinanindigan ni Mark na wala raw itong katotohanan.
“Hindi. Hindi,” sagot ni Mark. “Nagpatulong ako sa kanya sa character roles. Sabi ko sa kanya, 'Nay, tawagan mo naman sina Tita Lilybeth. Sabihin mo bigyan ako ng mga character role.”
Dagdag pa ni Mark baka ang sinasabi ni Lolit ay ang mga dati pang pagkakataon na nanghiram siya ng pera sa manager at ngayon lang naungkat.
“Siguro 'yung mga dati pa 'yun, 'pag dati nanghihiram ako sa kanya before. Baka brining-up niya pa ngayon, 'di ba? Which is para lang umingay. Pero, I mean, umingay nga pero… (laughs and shakes his head) pero nasa point ako ng career ko na ayoko na ng maingay eh. Gusto ko lang ng stable lang eh,” kuwento niya.
Pero kahit naghiwalay na sila ng landas ni Lolit, puro magagandang salita pa rin ang binitawan ni Mark para sa dating manager.
“Kay Nanay? Naku, siyempre maraming, maraming salamat, Nanay, for everything. Lahat naman ng narating ko sa indsurtiyang ito ay dahil sa kanya. Dahil sa tulong niya, bukod sa tulong ng GMA, siyempre,” pahayag ni Mark.
“Nanay, is parang naging malaking part din ng career ko 'yan si Nanay, ng buhay ko sa showbiz. So, maraming, maraming salamat, Nanay, for taking care of me. Lalo na 'yung time na nawala isa-isa 'yung magulang ko. Andun si Nanay talaga para suportahan ako.”
Panoorin ang panayam ni Pia Arcangel kay Mark Herras sa Tunay na Buhay video na ito:
Para sa mas marami pang celebrity features tulad nito, panoorin ang Tunay na Buhay tuwing Miyerkules, 11:30 p.m. sa Power Block ng GMA.
Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang Tunay na Buhay sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, visit www.gmapinoytv.com.
Silipin ang buhay ng bagong kasal at first-time parents na sina Mark Herras at Nicole Donesa.