
Sa ulat ng State of the Nation, nahaharap si Dua Lipa sa isang kaso matapos niya ibahagi sa Instagram ang litrato niyang kuha ng isang paparazzi.
Nakasaad sa mga dokumento ng US court na walang permiso ang British pop singer mula sa photographer para ibahagi sa social media ang kanyang litrato.
Ayon din sa kompanyang Integral Images, kumita umano si Dua Lipa sa pagbabahagi ng larawan na ito sa Instagram. Sa ilalim ng copyright law, pagmamay-ari ng photographer ang larawan at hindi sa kaninong artist.
Dahil sa pangyayaring ito, pinagbabayad ang singer ng $150,000 o katumbas ng PhP7.5 million.
Binura na ang nasabing larawan na kinunan noong Pebrero 2019 sa airport kung saan nakapila si Dua Lipa hawak ang kanyang ticket at passport habang may suot na oversized hat.
Sa ngayon, wala pang pahayag si Dua Lipa sa naturang isyu. Kilala ang singer sa hit songs niyang "Levitating," "One Kiss," "Love Again" at "New Rules."
Hindi lang si Dua Lipa ang celebrity na nakasuhan na dahil sa pagbabahagi ng larawang kuha ng paparazzi. Dati na ring naharap sa mga katulad na reklamo sina Jennifer Lopez, Liam Hemsworth, Justin Bieber, at Ariana Grande.
Panoorin ang buong report tungkol sa kasong kinakaharap ni Dua Lipa sa State of the Nation: