'PPE: Pinoy Pandemic Essentials,' sasagutin ang mga tanong tungkol sa COVID-19, bakuna, atbp.
Sa gitna ng muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa kamakailan, ibayong pag-iingat at tamang impormasyon tungkol sa sakit at kung paano ito maiiwasan ang ating pangunahing sandata.
Kaya naman ngayong Mayo, hatid ng GMA Public Affairs ang isang information campaign na magbibigay ng practical tips at sasagot sa mga tanong ng taumbayan tungkol sa COVID-19.
Naitanong mo na ba sa iyong sarili kung "May Covid ba ako?", "Close contact kaya ako?", o "Dapat ba akong magpabakuna?" Sasagutin yan ng 'PPE: Pinoy Pandemic Essentials'.
Kabilang sa mga paksang tatalakayin ay ang kung paano malalaman kung COVID-19 ba ang mga sintomas na nararamdaman, paano masasabing ikaw ay isang close contact, kailan at saan ba dapat magpa-swab test, at ano nga ba ang laman at ginagawa ng vaccine?
Ang award-winning Kapuso anchor and TV host na si Atom Araullo ang magsisilbing boses o narrator ng 'PPE' public service vignettes.
Mapapanood ang 'PPE: Pinoy Pandemic Essentials' vignettes sa GTV at GMANetwork.com simula May 5, alas-5 ng hapon.