Boys Over Flowers: Ha Jae-kyung cancels wedding with Gu Jun-pyo
Dala na rin ng pakiusap ni Gu Jun-pyo na huwag pumayag na ituloy ang nakatakda nilang kasal, tinutulan ni Ha Jae-kyung ang seremonya sa mismong araw ng kasal nila.
Isang gabi bago ang kasal, kinausap ni Jun-pyo ang fiancée niya na tulungan siyang ipilit sa kanilang mga magulang na nag-ayos ng kanilang arrange marriage na kanselahin ang kasal. Mariing nakiusap si Jun-pyo kay Jae-kyung ngunit tinanggihan siya nito.
Giit ng dalaga, alam niyang mahal ni Jun-pyo si Jan-di pero itutuloy niya ang kasal at maghihintay na balang-araw ay matutunan din siya nitong mahalin. Masakit man pero handa si Jae-kyung na magsakripisyo dahil minahal niya na rin si Jun-pyo.
Sa mismong araw ng kasal ay nag-iisip pa rin ang binata ng mga paraan para hindi matuloy ang kasal gaya ng pagbugbog sa sarili niyang kasal at pagtakas. Kinausap niya rin si Jan-di na sabihan siyang huwag sumipot sa event pero tinanggihan siya nito.
Kahit mahal ni Jan-di si Jun-pyo, mas gugustuhin niyang magdusa na lamang basta huwag masaktan ang naging kaibigan na niyang si Jae-kyung. Isa pa, tutol naman talaga sa relasyon nila ang nanay ni Jun-pyo na si Kang Hee-soo, ang Presidente ng Shinhwa Empire, dahil mahirap lamang siya.
Gaya ng sabi ni Jan-di, dumating sa venue si Jun-pyo at kasunod na niya rin si Jae-kyung. Nagsimula na rin ang seremonya nang biglang ipaalam ng dalaga sa lahat ng dumalo na tutol siya sa kasal.
Nabigla si Kang Hee-soo at mga magulang ni Jae-kyung sa rebelasyon niya ngunit wala na silang magagawa pa dahil buo na ang desisyon niyang umatras sa kasal.
Pagkatapos naman ng kaguluhan ay kaagad na nagtungo si Jun-pyo sa kinaroroonan ni Jan-di at ibinalitang wala nang kasal na magaganap.
Masaya ang dalawa sa kinalabasan ng mga pangyayari pero hanggang saan magiging pabor sa kanila ang tadhana?
Patuloy na subaybayan ang Boys Over Flowers mula Lunes hanggang Biyernes, 10:55 ng gabi, sa GTV!
Samantala, mas kilalanin ang cast ng Boys Over Flowers sa gallery na ito: