Kyline Alcantara, naghahanda para sa kanyang future
Kahit itinuturing na isa sa mga pinakamaningning na bituin sa local entertainment industry ngayon, hindi pa rin ito dahilan para kay Bilangin ang Bituin sa Langit star Kyline Alcantara para maging kampante at dumepende sa showbiz habambuhay.
Source: itskylinealcantara (Instagram)
Aniya nang makapanayam ng 24 Oras, ipinagpapatuloy niya ang kanyang pag-aaral dahil pinaghahandaan niya ang panahon na maaaring magdilim na ang ningning niya sa showbiz.
Kasalukuyang first year college student na si Kyline at kumukuha siya ng degree sa tourism.
“Cliché man pero totoo naman po talaga na hindi talaga habambuhay ang showbiz. Kailangan ko rin po talagang pag-igihan 'yung pag-aaral ko para in the future I can find a part-time job or another job or another profession,” lahad niya.
"I want to have enough knowledge about the Philippines so pagdating sa ibang bansa kayang-kaya kong ipagmalaki kung gaano kaganda 'yung Pilipinas," aniya nang makapanayam ng programa noong September nang nakaraang taon.
Source: itskylinealcantara (Instagram)
Samantala, ibinahagi rin ng aktres na maraming dapat abangan ang viewers sa patindi nang patinding mga tagpo sa pinagbibidahan niyang serye, ang Bilangin ang Bituin sa Langit.
Kabilang sa mga eksenang hindi dapat palagpasin ng mga tagasubaybay ay ang hindi inaasahang pagtatagpo ng mag-inang Cedes at Nolie, ang mga karakter nina Nora Aunor at Mylene Dizon.
“'Yun din po 'yung dapat nilang abangan din dahil habang binabasa ko po 'yung script nagulat ako na ang unexpected ng pagkikita nila,” ani Kyline.
Bukod dito, may bagong karakter din na ipapakilala ang programa.
“Ito po ata ang magiging karibal ni Jun na somehow gagaan 'yung loob sa kanya ni Maggie,” aniya.
Itinuturing din ni young actress na reward para sa mga bumubuo ng serye ang magandang suportang ibinibigay ng mga manonood sa programa.
“Tatlong bagyo po 'yung pinagdaanan namin para matapos itong 'Bilangin.' Nakaka-stress po siya habang sinu-shoot but ayun nga po I feel so rewarded and blessed dahil po sa lahat ng pinagdaanan namin, ito na naa-appreciate na ng lahat 'yung 'Bilangin ang Bituin sa Langit',” sabi pa niya.
Silipin ang mga kaganapan sa lock-in taping ng serye sa gallery na ito: