'Waves of Life' star Mark Prin, mapapanood sa panibagong Lakorn sa GMA News TV
Minsan nang minahal ng mga Pinoy Lakorn fans ang Thai actor na si Mark Prin sa paglabas niya sa seryeng Waves of Life sa GMA noong 2018.
Ngayong 2021, muli siyang mapapanood sa isang romantic comedy Lakorn na handog ng GMA News TV, ang Secret Love Online.
Lalabas siya dito bilang si Prince, isang new hire sa respetadong marketing firm.
Simula pa lang sa pag-a-apply niya sa trabaho, nakakakuha na siya ng tulong sa pamamagitan ng chat mula sa isang tao na nagtatago sa username na "Secret Lover."
Makakasama pa ni Mark sa serye ang kanyang real life sweetheart na si Kimberly Anne Woltemas. Gaganap naman ito bilang si Camille, isa ring new hire na graduate ng prestihiyosong international school at karibal ni Prince sa trabaho.
Hindi nila alam na ang kanyang istriktong boss na si Adrienne ang nasa likod ng account na "Secret Lover." Nailigtas kasi ni Prince si Adrienne mula sa isang aksidente noon kaya nahulog ang loob nito sa kanya. Ang aktres na si Anne Thongprasom ang gaganap bilang Adrienne.
Makikigulo din sa complicated love story na ito si Albert, na gagampanan ni Peter Corp Dyrendal. Si Albert ang gwapo at flirtatious na managing director ng kumpanya na may lihim na pagtingin kay Adrienne.
Abangan si Mark Prin sa Thai romantic comedy series na Secret Love Online, simula January 18, Lunes hanggang Biyernes, 2:45 pm sa GMA News TV. Tunghayan din ang second airing nito sa gabi, 11:20 pm.