Ken Chan, Rita Daniela, Derrick Monasterio, wagi sa 33rd Aliw Awards
Wagi sina Ken Chan, Rita Daniela, at Derrick Monasterio sa kakatapos lang na 33rd Aliw Awards. Ginanap ito noong Martes, December 15, sa Fiesta Pavilion sa Manila Hotel.
Matapos masungkit ang German Moreno Power Tandem of the Year at PMPC Star Awards for TV Best Lead Performance in a TV Series awards noong 2019 bilang on-screen partners, pinarangalan sina Ken at Rita para sa kanilang stage performance.
Iginawad sa kanila ng 33rd Aliw Awards ang Best Featured Performance in a Concert award para sa production number nila sa “Two-gether Again” concert nina Pops Fernandez at Martin Nievera na ginanap noong Pebrero.
Nakamit naman ni Derrick ang Best Male Host para sa All Out Sundays. Ito ang unang hosting award ng Kapuso star.
Bukod kina Ken, Rita, at Derrick, kinilala rin ng 33rd Aliw Awards ang Kapuso singers na sina Julie Anne San Jose at Golden Cañedo, aktres na si Ana Feleo, at mga direktor na sina Louie Ignacio at Laurice Guillen.
Naiuwi ni Julie Anne ang mga tropeyo para sa Best Rhythm & Blues Jazz Artist and Entertainer of the Year. Samantalang kinilala si Golden bilang Best New Female Artist.
Pasok sa Aliw Awards Hall of Fame si Direk Louie bilang Best Concert Stage Director. Ginawaran naman ng Lifetime Achievement award si Direk Laurice.
Talaga namang dumadaloy sa pamilya ni Direk Laurice ang pagiging award-winning dahil maging ang kanyang anak na si Ana ay pinangaralan din ng 33rd Aliw Awards. Nasungkit ng aktres ang Best Classical Female Performer.