KMJS: Kumusta na ang viral palaboy ng Cebu na si Berta?
Tampok sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ang nag-viral na palaboy mula sa Cebu City na si Berta dahil sa kanyang mga bentang hugot lines at pag-i-Ingles.
Magaling mag-Ingles si Berta at marami rin ang napahanga sa ilan sa kanyang mga tumatak na pahayag.
May iba't ibang mga haka-haka tungkol sa pagkatao niya gaya ng dati raw itong guro na nasawi sa pag-ibig, kaya minabuti ng KMJS na hanapin at interbyuhin ang kapatid nito na si Evangeline Plando.
Pang-apat sa kanilang magkakapatid si Berta o Roberto Jr. at ayon kay Evangeline, noon pa man ay hindi na naging madali ang kanilang buhay.
“Talagang mahirap ang buhay namin kasi 'yung Papa ko lasinggero tapos Grade 5 ako patay na 'yung Mama ko. Pinapaaral ko 'yan. Tapos nagtitinda ang kapatid ko [ng] banana chip, polvoron, cheese stick,” kwento niya.
Kinumpirma rin ni Evangeline na Education nga ang kursong tinapos ni Berta.
“Education [ang] kursong kinuha [ng] kapatid ko tapos major English minor Filipino. Nakapagturo 'yan. Nag-practice teaching. 'Yung kapatid ko mahilig talaga 'yan ng English,” aniya.
Nagkaroon din umano ito ng karelasyon kaya nagpasya itong kumuha ng sariling tirahan. Nalulong din umano noon sa bisyo ang kapatid niya.
“Humiwalay siya ng tirahan kaya napahiwalay siya sa akin. Ang nagtuturo niyan sa bisyo po 'yung boyfriend niya po. Tapos nu'ng nalulong na 'yung kapatid ko, anong ginawa sa boyfriend, humiwalay,” aniya.
Doon na raw nagsimulang magbago ang mga ikinikilos ni Berta at umabot ng 17 taong nagpalaboy-laboy.
Hanggang sa makilala ng vlogger na si Anton Camilo si Berta na siyang tumulong dito para unti-unti itong magkaroon ng bagong buhay. Inilagay niya si Berta sa ilalim ng pangangalaga ng Safe Haven Addiction Treatment and Recovery Village.
Nang bisitahin ng KMJS ang 47-anyos sa shelter ay malayo na ang hitsura nito mula sa dati niyang kalagayan noon.
Sumasailalim siya ngayon sa life coaching, mga check-up, at nagkakaroon ng pagkakataon na sumali ng sports activities.
“Hindi ko ikinahihiya kung ano man ang dumapo sa buhay ko para lang ako mabubuhay at para lang ako makakain pero all I can say is I really really thank to all the people who are supportive me,” ani Berta nang makapanayam ng KMJS.
Nagpasalamat din siya kay Anton na tumuring sa kanyang kaibigan at bukas-palad na tumulong sa kanya para makapagbagong buhay.
“Patuloy ang iyong kaibitan. Tumulong ka rin sa mga kawanggawa. Kuwalhatian sa langit ang taong tumulong sa kanyang kapwa,” dagdag pa niya.
Siyam na buwan mananatili si Berta sa Safe Haven.
Panoorin ang espesyal na pagtatampok ng Kapuso Mo, Jessica Soho kay Berta rito: