Reunion project ng 'T.G.I.S.' cast, posible sa 2021
Matapos ang mahigit dalawang dekada ay muli nang mapapanood ang youth-oriented show na T.G.I.S. sa Heart of Asia channel at GMA Network YouTube Super Stream.
Ayon sa sa isa sa lead actors nitong si Angelu de Leon, natutuwa siyang malaman ang reaksyon hindi lamang ng original fans nito kundi pati ng bagong henerasyong makapanonood sa serye.
Source: angeludeleonrivera (IG)
“Nakakatuwa siya kasi gusto kong malaman kung ano 'yung iniisip nila.
"Dati 'pag napanood nila 'yung T.G.I.S. wala silang cell phone na nakikita,” aniya sa panayam ng 24 Oras.
Kahit 90s ang feels ng programa, ibinahagi ni Angelu na makaka-relate pa rin ang publiko sa tema at takbo ng istorya dahil pasok pa rin ito sa kasalukuyang panahon.
“Malalim 'yung kwento, maraming pinagdadaanan and bukod sa lahat, I think ito 'yung maiiwasan, e, everybody longs for a good relationship, good barkada,” aniya.
Source: angeludeleonrivera (IG)
Samantala, kamakailan ay nagdiwang ang cast members ng T.G.I.S. ng 25th anniversary ng show sa pamamagitan ng video call.
Kung hindi umano nangyari ang pandemic, isang reunion project sana ang kanilang gagawin.
Gayunpaman, nananatili pa rin ang pangako nila sa fans, na magkakaroon ang show ng reunion project.
“May soft promise na we will still try to do it. Probably next year after the pandemic na talaga nang mae-enjoy din ng lahat,” dagdag pa ni Angelu.
May 25 taon na mula nang umere ang unang episode ng T.G.I.S.