Kapuso comedians, naging emosyonal nang mapag-usapan ang Pasko
Tampok sa mga mas pina-level up na online shows ng Kapuso Network ang mga komedyanteng sina Pekto, Betong Sumaya, Paolo Contis at Vaness del Moral.
Lagi mang nakikita ng publiko na nagpapatawa at nagpapasaya, apektado rin sila ng COVID-19 pandemic at ibinahagi nila ito nang kapanayamin ng 24 Oras nitong Linggo, August 16.
vanes_delmoral (IG)
Bukod sa mga natutunan nila sa gitna ng pandemya at halos kalahating taong quarantine sa bahay, napag-usapan din sa panayam ni showbiz reporter Nelson Canlas ang mga plano nila para sa darating na Pasko, lalo't ilang araw na lang ay “ber” months na.
Tanong ni Nelson: “Naghahanda na ba kayo? Nagpaplano na kayo kung anong gagawin or at least man lang to decorate your house this Christmas?”
Ani Pekto, sa kasalukuyan ay mas nakatuon umano ang kanyang atensyon sa kanyang pamilya.
“Masakit man pero hindi mo dapat isipin kasi nga dadating talaga 'yung Christmas time. So, as of now, focus lang ako sa pamilya kung papaano magsu-survive,” aniya.
Para naman kay Paolo, kalusugan ng kanyang mga mahal sa buhay ang mas binibigyan niya ng atensyon sa ngayon.
“Ako, health lang lang talaga. Health lang talaga 'yung gusto kong i-concentrate. Again, because of this, naging simple 'yung buhay natin. We appreciate the smallest things,” lahad ng Through Night & Day star.
paolo_contis (IG)
Samantala, hindi naman napigilang maluha ni Betong nang mapag-usapan ang kanyang pamilya na hindi niya pa umano nakakasama at nakikita nang personal mula nang magsimula ang quarantine.
“Ito 'yung mami-miss ko, 'yung ang tagal ko na silang hindi nakikita tapos itong Christmas. 'Yun 'yung mami-miss ko dahil hindi ko sila pa nakikita. Hindi ko nga maisip kung magde-decorate nga ako, e. hindi ko maisip pero mas importante nga 'yung health ngayon,” umiiyak na sabi ni Betong.
amazingbetong (IG)
March 17 nang simulang ipatupad ang quarantine protocols sa Luzon at iba pang panig ng bansa upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19.