Gardo Versoza, ipagpapalit ng buntis na misis sa mas batang lalaki sa 'Wish Ko Lang'
Ayon sa batikang aktor na si Gardo Versoza, isang first sa kanyang acting career ang role na gagampanan niya sa episode ng 'Wish Ko Lang' ngayong Sabado na pinamagatang 'Single Dad.'
Ani Gardo, “Ngayon lang ako nagkaroon ng character na na-stroke sa pagkakaalala ko.”
Kontrobersyal ang istoryang isasadula nina Gardo ngayong Sabado dahil tungkol ito sa pagtataksil ng isang buntis na misis sa kanyang asawang na-stroke.
Ang dating 'That's Entertainment' star na si Tina Paner ang gaganap na asawa ni Gardo, samantalang ang Kapuso actor naman na si Anjo Damiles ang gaganap bilang ang mas batang lalaki na karelasyon ni Tina. Kasama rin nila rito sina Micko Laurente at Miggs Cuaderno.
Nang tanungin si Gardo tungkol sa isyu ng pangagaliwa, sa tingin daw niya ay parehas lang namang nangangaliwa ang babae at lalaki, at sa tingin niya iisa lang ang puno't dulo nito: hindi na mahal ang partner o asawa.
Payo ni Gardo sa mga mag-partner o mag-asawa, “Dapat magmahalan and palaging maging sweet.”
Ayon pa kay Gardo, naka-relate siya kay Edgar, ang karakter na kanyang gagampanan, dahil sa pagiging ulirang ama nito ay mayroon din siyang hiling para dito.
“Naka-relate ako sa pagiging responsable nung tatay. Wish ko na sana ay matagpuan na niya ang forever niya.”
Dagdag pa ni Gardo, bilang isang ama, mas pinatibay pa ng kasalukuyang pandemya ang kanyang pagpapahalaga sa kanyang pamilya.
“Walang halaga lahat ng materyal na bagay. Ang importante pa din ang pagmamahal mo sa pamilya.”
Panoorin ang natatanging pagganap ni Gardo Versoza ngayong Sabado sa 'Wish Ko Lang,' alas-kwatro ng hapon sa GMA-7.