Janno Gibbs, naka-virtual reunion ang dating co-stars sa 'Ober Da Bakod'
Matapos ang mahigit dalawang dekada, nagsama-samang muli ang mga bida ng Kapuso sitcom na Ober Da Bakod.
Mapapanood sa vlog ni Janno Gibbs ang online reunion kasama ang kanyang co-stars na sina Anjo Yllana, Gelli de Belen, Donita Rose, Leo Martinez at Malou de Guzman, at pati na ang kanilang direktor na si Ariel Ureta.
Ayon kay Janno, malaki ang kanyang pasasalamat sa Ober Da Bakod.
Aniya, “Before Ober da Bakod, I was part of a love team. I was a singer pero hindi pa ako comedian noon. Nung lumabas na ang Ober da Bakod, 'yun na ang nag-establish sa akin as a comedian kaya malaki po ang utang na loob ko.
“And to me, Ober da Bakod is a legend pagdating sa mga sitcom dahil noong panahon na 'yun ay kokonti lamang kaming sitcom at talaga namang panalo kami lagi sa ratings. Of course, hindi magiging success 'yung show na 'yun kung hindi dahil sa napakagagaling kong kasama doon.”
Sama-sama nangbalik-tanaw sina Janno, Anjo, Leo, Malou, Gelli, Donita at Ariel tungkol sa kanilang most memorable moments. Ilan sa kanilang mga inalala ay ang aksidente ni Gelli na nag-iwan ng peklat sa baba ng aktres at ang mga kalokohang itinuro nila kay Donita na hirap magsalita ng Pilipino.
Ibinuking din ni Janno at ng kanyang co-stars kung paano ang set-up ng kanilang bahay sa programa at kung paano nila ginagawa ang sound effects sa taping. Binalikan din nila ang kanilang mga alaala kasama ang kanilang special guests.
Maliban sa kanilang pagre-reminisce, muli nilang binuhay ang kanilang mga character at nag-role play. Inisip din nila kung ano-ano ang naging future ng mga papel na kanilang ginampanan kung tuloy-tuloy pa rin ang kanilang programa ngayon.
Bilang pagtatapos, hopeful din daw si Janno na muling makatrabaho ang kanyang co-stars para sa iba pang proyekto.
Panoorin ang kanilang online reunion dito:
MUST-SEE: Online reunions ng showbiz groups at programs ngayong quarantine