
Dahil sa pagkakakuryente, naputulan ng kamay at naging baldado ang mga binti ng binatang si MJ Paminiano.
Bago maaksidente, ang 15 taong gulang na na binata, naglalako siya ng ulam at nagde-deliver ng tubig para makatulong sa kanyang mga magulang at apat na kapatid.
Sa kasamaang palad, naaksidente si MJ nitong nakaraang Abril.
"Kumukuha po kami ng mangga. Wala po kasi kaming pang ulam. Pagkasungkit ko, nalaglag na 'yung mangga. Nakita ko po 'yung saranggola, parang na engganyo po ako. Pagkasungkit ko po, biglang umulan. Ang lakas ng ulan, biglang hinigop po 'yung kamay ko," kuwento ni MJ.
Bakal na kawit ang ginamit ni MJ na panungkit kaya nakuryente siya sa live wire na malapit sa puno ng mangga. Dahil dito, kinailangang putulin ang isa sa kanyang kamay at kasalukuyang baldado rin ang kanyang mga binti.
Inilapit si MJ ng kanyang tiyahing si Melissa sa GMA Kapuso Foundation na agad namang tumugon sa kanila.
Kabilang si MJ sa 12 tao mula sa Dasmariñas at Naic, Cavite na nakatanggap ng wheelchair mula sa GMA Kapuso Foundation, katuwang ang NKD International Trading Corporation, 730th Combat Group at 710th Special Operations Wing ng Philippine Air Force at 2nd Infantry Division ng Philippine Army.
Binigyan na rin ng GMA Kapuso Foundation ng Kapuso family grocery packs ang pamilya ni MJ.
Sa tulong naman ng LN-4 Foundation, nahandugan din siya ng prosthetic arm na maaari niyang gamitin kapag tuluyang nang gumaling ang kanyang sugat.