
Aminado si young Kapuso actress Kate Valdez na nakakaramdam pa rin siya ng kaba tuwing ka-eksena ang beteranang aktres na si Cherie Gil kahit na ilang buwan na silang magkatrabaho sa hit drama series na Onanay.
Gumaganap si Kate dito bilang Natalie, habang si Cherie naman ang nakagisnan niyang nanay na si Helena.
Masaya raw si kate na makatrabaho si Cherie at iba pang cast ng Onanay dahil marami raw siyang natututunan sa mga ito.
"Iba 'yung nakukuha kong lesson sa mga kasama ko, sa mga eksena. I can say na talagang nag-improve ako. Lagi naman ako ninenerbiyos pero kahit papa'no na-overcome ko 'yun," pahayag niya sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com.
Gayunpaman, may kaba pa rin siya lalo na kapag ka-eksena si Cherie.
"Kapag may eksena kami, aware ako baka mamaya masaktan ko siya baka may mga eksena na tulak-tulak, siyempre minsan nagrerebelde si Natalie, 'yung mga ganung eksena. Ingat na ingat ako talaga kasi okay lang akong masaktan, 'wag lang siya," paliwanag ni Kate.
Matapos ang Onanay, naging bahagi siya ng GMA Telebabad series na Anak ni Waray vs. Anak ni Biday kung saan nakatrabaho niya ang isa na namang mahusay na beteranang aktres na si Dina Bonnevie.
Kabilang ang Onanay sa special enhanced community quarantine programming ng GMA. Tunghayan ito Lunes hanggang Biyernes, 3:20 pm sa GMA Afternoon Prime.