Pauline Mendoza, nakakatanggap pa rin ng hate messages dahil sa kanyang karakter sa 'Kambal, Karibal'
Ikinatuwa ni Pauline Mendoza ang muling pagpapalabas ng hit GMA series na Kambal, Karibal ngayong panahon ng enhanced community quarantine. Ito ay kaugnay ng pagsuspinde sa taping ng mga teleserye para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
Binigyang-buhay niya ang karater ni Crisel na namatay dahil sa kanyang sakit na Severe Combined Immunodeficiency. Bumalik siya bilang isang multo para maghiganti sa kanyang kakambal na si Crisan, na ginampanan ni Bianca Umali.
Pahayag ni Pauline sa isang Skype interview ng GMANetwork.com, "Nakakatuwa kasi ipinalabas ulit ang Kambal, Karibal.
"At saka nakakagulat kasi nakikita ko sa social media, lalo na sa Instagram, sa Twitter, sa Facebook, na talagang tuwang-tuwa 'yung mga tao no'ng nalaman nila na merong replay ang Kambal, Karibal.
"And nanonood ako, actually, ng mga episodes namin and I remember I had so much fun doing it.
"Naalala ko lahat ng masasayang memories, 'yung mga before takes namin, 'yung after takes, 'yung mga samahan namin during taping."
Mahigit walong buwan ding umere sa telebisyon ang Kambal, Karibal kaya naman miss na ni Pauline ang samahan nila ng kanyang co-actors sa set ng naturang serye.
Bukod kay Bianca, nakasama rin ni Pauline dito sina Kyline Alcantara, Miguel Tanfelix, Jeric Gonzales, at ilang mga bigating artista tulad nina Camina Villarroel, Marvin Agustin, Jean Garcia, Alfred Vargas, Christopher De Leon, at Gloria Romero.
"Nakaka-miss kasi matagal din kaming nagsama-sama sa Kambal, Karibal, almost a year.
"So nakaka-miss din na nakakatuwa na nakikita ko ulit 'yung mga characters namin and naaalala ko kung gaano namin pinagtrabahuhan 'yon.
"As in, binigyan namin talaga ng buhay 'yung mga characters sa Kambal, Karibal."
Ayon pa kay Pauline, hanggang ngayon ay nakakatanggap pa rin siya ng mga hate message dahil maraming apektado sa kanyang pag-arte bilang Crisel.
Aniya, "Maraming nagdi-DM sa 'kin sa Instagram, nagagalit pa rin sa 'kin 'yung mga tao.
"Sinasabi nila sa 'kin, bakit ba lagi kang galit, bakit mo ba inaaway si Crisan, bakit mo inaway si Diego."
Dugtong niya, "It means talaga na 'yung mga viewers natin talagang napamahal sila sa Kambal, Karibal until now.
"Kahit no'ng pagkatapos ng Kambal, Karibal, maraming nalungkot so ngayon na binalik, sobrang tuwng-tuwa 'yung mga tao."