EXCLUSIVE: Arny Ross at fiance, magbibigay ng tulong sa mga empleyado kahit apektado ang negosyo ng ECQ
Matinding dagok para sa celebrity entrepreneur na si Arny Ross at fiance/business partner niyang si Franklin Banogon ang ipinairal ang enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon simula noong Marso.
Sobra ang naging epekto nito sa kanilang milktea business na may five branches sa Cavite.
Arny Ross, may payo kung paano mananatiling positibo sa gitna ng pagsubok dulot ng COVID-19
Sa exclusive interview ng GMANetwork kay Arny via video nitong weekend, ikinuwento niya ang experience niya bago ianunsyo ng gobyerno ang ECQ sa Luzon.
Kuwento ng Bubble Gang star, "Pinag-uusapan na namin ng mga staff ko noon may lockdown daw or may virus daw, medyo hindi ako aware kasi hindi naman ako nakatutok sa news. Hanggang nag-announce na lang talaga na kailangan isara lahat ng business dahil huhulihin kung sino yung nasa labas ng 8 p.m.
"In-anounce ko na rin sa lahat ng staff ko na kailangan niyo nang umuwi. 'Tapos kung nasaan ako, hinatid ko na rin sila, sinabay ko na sila sa car ko kung nasaan ako, nagsara na rin talaga kami.
"Medyo nag-panic ako kung ano gagawin ko dahil wala akong idea doon sa virus, wala akong idea sa lockdown, 'Ano mangyayari? Magsasara ba 'to? Kukunin ko ba lahat ng stocks ko? Hindi na ba ako makakabalik?'
"So, ang dami kong naisip agad kaya 'yun hanggang sa dumaan 'yung one week hindi ko alam 'yung gagawin ko sa business ko, ang daming nasayang sa stock, ang daming na-expire, ang daming nabulok, ang daming napanis."
Umamin ang former Protege contestant na malaki ang nalugi sa kanila sa temporary na pagsasara ng kanilang milktea shop.
"Pagdating sa business side , sobrang apektado talaga, dahil malaki 'yung loss. Pati 'yung rent tuluy-tuloy pa rin.
"Buti na lang nagkaroon nito lang na parang may nilabas 'yung government na puwede six months to pay 'yung rent.
"Still hopeful naman na magiging maayos at magbabalik naman sa normal 'yung lahat."
Tulong sa empleyado
Bagsak man ang kanilang negosyo, hindi nakalimutan nila Arny at Frank ang mga empleyado nila, na aabot sa 40 katao, sa kanilang milktea business, laundry shop, at nail spa sa Binan,Laguna.
Ayon kay Arny, minarapat nilang ibigay ang suweldo at i-advance ang 13month pay ng mga empleyado nila.
Nagbigay din sila ng cash advance para sa mga trabahador nilang ngangailangan.
Wika ni Arny, "Actually, ang iniisip ko pa nga kung paano ko mapapahiram 'yung mga barista ko, 'yung mga staff ko, kung paano ko sila mapapahiram ng money or kahit anong asistance.
"Yun 'yung una namin finocus ng partner ko. Binigyan naman sila ng 13 month pay nila, ng salary nila, 'tapos nagpa-cash advance din kami doon sa may kailangan, kasi ang dami nila.
"'Tapos dumating sa point na nag-extend pa, so 'yung pag-extend ngayon mas naging mahirap for their families kasi sila 'yung sa work lang talaga nagkakaroon ng means to provide for their families. Medyo, sila rin 'yung mas inaalala ko."
Umiisip din ng ibang paraan si Arny Ross kung paano pa niya mabibigyan ng dagdag ayuda ang mga staff niya.
"'Tapos nagsubmit ako sa DOLE [Department of Labor and Employment] para doon sa tulong sa empleyado, pero one month na wala pa rin response even mag-reply.
"I called the contact numbers in their Facebook page, pero cannot be reached.
"So, sabi ko talaga mahirap talaga umasa ng tulong sa government lalo na maraming nangangailangan ng tulong.
"So 'yun 'yung naging challenge talaga sa amin kung paano sila papahiramin na doon rin mangagaling na lang sa savings namin ganun."
Sa huli, nagbigay payo si Arny sa mga kapwa niya negosyante na nahihirapan sa epekto ng COVID-19 pandemic.
"Alam ko sa mga small-medium enterprises din diyan na katulad namin, mahirap kasi 'yung rent natin tuluy-tuloy.
"Hindi naman puwede biglang wala na lang babayaran, dahil sa crisis." saad ni Arny.
Dagdag niya, "Pero let's just keep the faith na maibabalik din sa atin lahat na nawala sa atin.
"'Tapos huwag natin kalimutan lahat ng empleyado natin, dahil kundi dahil sa kanila hindi rin magiging successful 'yung business natin."