GMA Kapuso Foundation, nagbahagi ng food packs sa mga residente ng Payatas
Nagbahagi ang GMA Kapuso Foundation ng food packs para sa 2,000 residente ng Payatas, Quezon City bilang bahagi ng Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19.
Isa ang komunidad na ito sa pinaka naapektuhan ng enhanced community quarantine dahil karamihan sa mga residente nito ay daily wage earners.
Ang bawat GMA Kapuso Foundation family pack ay may lamang 10 assorted na de lata, 5 maki noodles, 2 kilo ng bigas, sabon, tinapay, at 4 na burger.
Lubos ang pasasalamat ng GMA Kapuso Foundation sa mga donasyon mula sa CDO Karne Norte, Heart Evangelista, Kindness Kitchen ng McDonald's Philippines, Universal Robina Corporation, at Gardenia Bakeries Phils., Inc.
Katuwang din sa pagpunta sa Payatas at pagdi-distribute ng family packs ang Joint Task Force-NCR at 51st Engineering Brigade ng Philippine Army.
Patuloy ang GMA Kapuso Foundation sa paglikom ng pondo para mga medical supplies na ihahandog sa COVID-19 frontliners at sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng kampanyang Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19.
Kasama na rin dito ang pagbibigay ng grocery packs para sa mga pamilyang hindi makapaghanap buhay dahil sa enhanced community quarantine.
Maaaring mag-donate sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang official website.