
Kabilang si Kapuso singer and comedian Nar Cabico sa performers ng "QuaranTunes PH," isang fundraising concert para sa mga frontliners na patuloy na nilalabanan ang COVID-19 sa Pilipinas.
Ngayong araw, March 25, itatanghal ang benefit concert na naglalayong lumikom ng pera para sa pagbili ng personal protective equipment o PPEs para sa healthcare workers.
Bukod kay Nar, kabilang sa mga performers sina Zsaris, Princess Ybañez, Mike Luis, Jerald Napoles, Kim Molina, Ava Santos at Aia de Leon.
Maaaring i-stream ang mga performances sa Facebook page na QuaranTunesPH o sa mga indibidwal na pages ng mga performers dito.
Dala ng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa, nagkakaroon ng shortage sa PPEs tulad ng gloves, masks at goggles ang mga ospital.
Bukod sa "Quarantunes PH," marami rin mga indibidwal at grupo na nagfa-fundraising para pagsugpo ng COVID-19.
Isa na dito ang GMA Kapuso Foundation na naglunsad ng kanilang kampanyang "Labanan Ang COVID-19" na naglalayong magbigay ng basic medical supplies para sa frontliners ng COVID-19.
Maaaring magpaabot ng donasyon sa pamamagitan ng pagbisita sa official website.