
Bukod sa mithiing manalo sa artista-based reality show na StarStruck, pinapaalalahanan ni Rich Asuncion ang bagong hopefuls na maging laging mabait.
“Ang lagi kong sinasabi sa mga bago, maging mabait lang. Parang ako!” biro ng StarStruck: The Next Level First Princess nang makausap siya ng GMANetwork.com at iba pang entertainment reporters sa pocket press conference ng Cinemalaya 2019 film na Children of the River kagabi, June 20.
Dagdag pa ng Kapuso actress, “It's not about winning the contest. It's about after [the competition], yung staying power mo.
“Hindi naman ako nanalo, pero I'm still here.
“Basta magpakabait lang sa taping, huwag maging pasaway, at saka, siyempre, gawin mo pa rin ang best mo.”
Sa StarStruck Season 4, si Jewel Mische ang itinanghal na Ultimate Sweetheart at si Aljur Abrenica ang Ultimate Hunk. Sina Kris Bernal at Martin Escudero naman ang napiling Ultimate Loveteam at First Prince si Prince Stefan.
Samantala, itinuturing ng 30-year-old actress na masuwerte ang mga bagong StarStruck hopefuls dahil sa mayroon na ngayong social media.
Ayon kay Rich, isang magandang paraan ito para mas maipakilala pa ng aspiring celebrities ang kanilang mga sarili.
Paliwanag niya, “Malaking tulong din kasi, feeling ko, sa social media nakaka-gain din sila ng maraming followers, mas confident sila do'n.
“Pero mas nakaka-pressure din at saka mas maraming kakumpitensya.
“Parang sa social media, nape-present mo na rin ang sarili mo dun.
“Parang it's a very big world. The world is a bigger place now because of social media.”
Bagamat minsan ay may negatibong epekto ang social media, sabi ni Rich, nasa bagong hopefuls na raw kung paano nila ito gagamitin para sa kanilang layuning makapasok sa showbiz.
“Social media is a very powerful. It's up to you if you want to be distracted or use it to your own advantage,” aniya.
“It's just a matter of how you use it. You have to be responsible sa post mo.”
Sa huli, muling idiniin ni Rich, “It's really a useful tool now to present yourself and to show everyone what you can or what you are.”