Tikman ang tamis at pait ng paghihiganti sa 'Bihag'
Isang bata ang nawawala at dinukot bilang paghihiganti.
Sino ang kumuha sa kanya? Ang scorned woman na nais sumira ng pamilya o ang tatay ng isang pasyenteng napabayaan?
Dito iikot ang kuwento ng Bihag, ang upcoming drama, action at suspense series ng GMA.
Isang mommy blogger si Jessie at tila perpekto ang kanyang home life kasama ang asawang doktor na si Brylle at unico hijo nila na si Ethan.
Guguho ang kanyang mundo nang biglang mawala ang kanyang anak si Ethan. Hindi niya alam na may kaugnayan sa kanyang asawang si Brylle ang nangyaring pagdukot sa anak.
Sa likod kasi ng kanilang picture perfect marriage, minsan na palang natukso si Brylle at nagkaroon ng maikling affair kay Reign, isang babaeng madalas mamataan sa ospital na pinagtatrabahuhan nito.
Bukod dito, minamanmanan din pala sila ni Amado, ama ng isa sa mga pasyente ni Brylle. Iniisip kasi nitong pinabayaan ni Brylle ang anak kaya ito namatay.
Sa paghahanap ni Jessie sa nawawalang anak, magiging katuwang niya ang pulis at dati niyang high school classmate na si Larry.
Dahil gagawin ng isang ina ang lahat para sa kanyang anak, ilalagay ni Jessie sa sarili niyang mga kamay ang paghahanap ng hustisya. Iwawaksi niya ang dati niyang buhay bilang magiliw at maamong homemaker at sisikaping maging malakas at palabang babae.
Si 2018 Metro Manila Film Festival Special Jury Prize awardee Max Collins ang gaganap na si Jessie sa kanyang unang teleserye ngayong taon.
Reunited sila ng kanyang The One That Got Away co-star na si Jason Abalos na gaganap naman bilang si Brylle.
Kabilang din sa cast si Sophie Albert na breakthrough star ng ensemble primetime comedy drama na Pamilya Roces. Masusubukan ang kanyang galing sa Bihag bilang si Reign, ang seductive "other woman" ni Brylle na makukuha pang kaibiganin si Jessie sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang ang sweet at inosenteng si Marie.
Maaasahan naman ang Kapuso character actor na si Neil Ryan Sese para bigyang buhay ang karakter ni Amado.
Balik teleserye din si first ever StarStruck Ultimate Male Survivor Mark Herras para gampananan ang role ng pulis na si Larry.
Matapos niyang magpa-antig ng mga damdamin sa adbokaseryeng Hindi Ko Kayang Iwan Ka, si Neal del Rosario ang magsisilbing direktor ng Bihag. Kasama niya sa tour de force ng aksiyon at emosyon na ito si veteran action director Toto Natividad.
Abangan ang Bihag, ngayong taon na sa GMA!