
Hindi alintana ni Andrea Torres ang mga pumupuna sa kanyang personal na buhay lalo na kapag may kinalaman ito sa kanyang love life.
Hindi sumagi sa isip ng 28-year-old actress na napag-iiwanan na siya dahil ang kanyang best friends na sina Rochelle Pangilinan at Max Collins ay ikinasal na.
Paliwanag ni Andrea sa isang panayam, ayaw niyang madaliin ang ganitong bagay.
"Ako naman talaga naniniwala ako na hindi mo s'ya kailangang hanapin o i-force. Darating lang siya sa perfect time na ready ka na [para] may time ka na rin for it," sabi niya.
Very devoted si Andrea sa kanyang career bilang aktres at modelo. Abala siya sa nalalapit na pagtatapos ng Victor Magtanggol, at kamakailan lang ay inanunsyo niya na gumawa siya ng personalized calendar for 2019 bilang pasasalamat sa kanyang fans.
Biro tuloy ng aktres, "Ang love life ko talaga puro trabaho sobrang workaholic ko lately."
"Ngayon kasi 'yung buong atensyon ko nasa work tapos parang ang dami kong gustong gawin. Ganun yata talaga habang tumatagal, ang dami mong gustong ma-accomplish. Sana ma-complete ko muna lahat ng iyon [bago ako magka-love life]," patuloy niya.