
Nag-uumapaw ang pasasalamat ni Shaira Diaz sa kanyang pagpirma bilang bagong talent ng GMA Artist Center.
Sa isang ekslusibong panayam ng GMANetwork.com ay ibinahagi ni Shaira ang bilis ng pangyayari sa kanyang pagpirma bilang Kapuso star. Matatandaang usap usapan noong 2017 na lilipat siya sa Kapuso Network ngunit itinanggi ito ng aktres dahil guesting lamang umano ang kanyang ginawa sa Trops at nakakontrata pa siya sa TV5. Ngayong 2018 ay opisyal namang ipinakilala si Shaira bilang bagong Kapuso star.
IN PHOTOS: Meet and greet of new GMA Artist Center talents
Aniya, "Sobrang hindi ako makapaniwala na ganun kabilis 'yung mga nangyayari. Actually, hindi ko pa ine-expect na magiging Kapuso ako agad agad. Akala ko medyo matagal po pero sobrang happy ako."
Kuwento ng aktres ay inasahan niyang simpleng launch lang ang gagawin para sa kanilang mga bagong talents. Pero laking gulat umano niya na may TV and press interviews na ginawa para ipakilala sila sa publiko.
"Nagulat ako kung paano nila kami ni-launch ngayon. Ang ini-expect lang namin contract signing, sa maliit na room lang kami tapos pictures tapos 'yun pala may ganito. May press launch din pala. So super thankful parang dito pa lang na-feel na namin na special kami sa Kapuso."
Nakaka-overwhelm umano para kay Shaira ang maging Kapuso. "Kasi para sa akin, bagong environment 'to and it's GMA. Malaking kumpanya siya, malaking network siya, so sobrang happy."
Sa kanyang maiksing panahon ng pagiging Kapuso, ang best part umano ay ang makatrabaho ang mababait at magagaling na mga tao sa likod at harap ng kamera. Saad niya, "Feeling ko sobrang mababait sila and approachable. Matulungin sila and siyempre gusto ko makatrabaho 'yung mga prime stars nila na magagaling din talaga."