Glaiza De Castro, hindi makapaniwala na sini-ship pa rin sila ni Rhian Ramos
Halos isang dekada na ang nakararaan nang ipinalabas ang 2015 drama romance series na The Rich Man's Daughter pero buhay na buhay pa rin ito sa puso ng fans nina Glaiza De Castro at Rhian Ramos na bumida sa nasabing soap opera.
Mapangahas ang tema ng The Rich Man's Daughter na isa sa mga unang GL (girls' love) series na nagawa sa kasaysayan ng Philippine TV.
Sa serye, gumanap si Rhian bilang Jade Tanchingco na mula sa isang mayaman at tradisyonal na Chinese-Filipino family. Papakasalan na sana niya ang kaniyang boyfriend, na isang Chinese din, hanggang sa nahulog ang kaniyang loob sa kapwa niya babae na si Althea, na ginampanan ni Glaiza.
Hanggang ngayon, may mga aktibong fan sina Glaiza at Rhian dahil sa kanilang lesbian-themed series. Binansagan pa ng fans ang kanilang tambalan na "RaStro", pinagsamang apelyido ng dalawang aktres.
Ayon sa guest appearance ni Glaiza sa Fast Talk With Boy Abunda, hindi pa rin siya makapaniwala na marami pa rin sa kanilang nagsi-ship ni Rhian.
Aniya, "Masasabi ko kung tatanungin ako kung sino ang pinaka-successful na naging ka-partner ko o naging ka-loveteam ko, siya talaga."
Kahit may kaniya-kaniya nang partner in real life sina Glaiza at Rhian, hindi pa rin daw nawawala ang kilig ng tao kapag nakikita silang magkasama.
Sabi pa ni Glaiza, "'Yung mga supporters namin, akala ko normally after ng isang series, kumbaga tapos na. Pero nag-asawa na ako, nagkaroon na siya ng ibang partner, nand'yan pa rin sila na parang 'di rin naman namin in-expect na magsu-support pa rin sila sa amin. Na-e-excite pa rin sila sa ginagawa namin, na-e-excite sila kapag nakita nilang magkasama kami."
Dagdag pa ng actress/singer, "So at least meron pa rin kaming nabibigay na hope sa kanila, 'di ba? Sinasabi nga ng iba, hopia daw. Pero 'di naman masamang bagay ang humopia, 'di ba?"
Matapos ang The Rich Man's Daughter, nagkasama sina Glaiza at Rhian sa iba't-ibang proyekto. Magkasama ang dalawa sa musical film na Sinagtala at sa bagong GMA fantaserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre. Bibida rin sila sa upcoming GL film na pinamagatang I Fell… It's Fine.
Balikan ang iba pang appearance ng "RaStro'" sa gallery na ito.
The Rich Man's Daughter
Bumida sina Glaiza De Castro at Rhian Ramos sa 2015 GL series na The Rich Man's Daughter kung saan gumanap silang magkasintahan.
On-screen chemistry
Nakitaan ng chemistry sina Glaiza De Castro at Rhian Ramos dahil sa kanilang pagganap sa The Rich Man's Daughter.
RaStro fever
Hanggang ngayon, marami pa ring fans ang tambalan nina Glaiza De Castro at Rhian Ramos sa serye na nagbigay sa kanila ng iba't-ibang oportunidad. Noong 2023, naimbitahan silang mag-perform sa FreenBecky Grand Fan Meet na ginanap sa Araneta Coliseum. Ang FreenBecky ay binubuo ng Thai actresses na sina Freen Sarocha Chankimha at Rebecca Patricia Armstrong na sumikat dahil sa kanilang GL series na Gap.
Loveteam
Patuloy na kinikilig ang RaStro fans kapag nakikitang magkasama sa larawan ang kanilang mga iniidolo.
Other projects
Co-stars din sina Glaiza De Castro at Rhian Ramos sa musical film na Sinagtala na ipapalabas sa mga sinehan simula April 2. Mapapanood din sila sa upcoming GMA fantasy series na Encantadia Chronicles: Sang'gre kung saan gaganap si Rhian bilang Mitena. Muli namang gagampanan ni Glaiza ang kanyang role bilang Pirena sa serye na pagpapatuloy ng kuwento ng Encantadia.