Vlogger-DJ Jellie Aw, inakusahan ng pambubugbog ang fiancé na si Jam Ignacio
Hindi pinalampas ng vlogger-DJ na si Jellie Aw ang umano'y pananakit ng kanyang fiancé na si Jam Ignacio.
Ikinuwento ni Jellie sa kanyang Facebook post ang umano'y ang pambubugbog sa kanya ni Jam, na dating kasintahan ng aktres na si Karla Estrada.
"HAPPY VALENTINES? T***a mo Jam Ignacio, mapapatay mo ako," isinulat niya sa caption ng kanyang mga larawang nagpapakita ng kanyang mga sugat na tinamo matapos ang pananakit umano ni Jam.
Ipinaliwanag ni Jellie na wala siyang ginawang masama kay Jam para siya ay bugbugin.
"Halos mamatay ako sa ginawa mo! Papakulong kita" dagdag ni Jellie.
Nag-post rin ang kapatid ni Jellie na si Jo Aw na kapwa niya rin vlogger at DJ.
Galit na ikinuwento ni Jo, "BIGLA NA LANG PINAG SASAPAK, BINUGBOG HABANG PAUWI ATE KO, WALANG KALABAN LABAN SA LOOB NG NAKALOCK NA SASAKYAN."
"Una sa lahat kung ano man ginawa ng ate ko wala kang ni anong karapatan dampian ng kamay yung ate ko. Ang kapal naman ng mukha mo "JAM IGNACIO"
Ibinahagi ni Jo na hindi raw makahingi ng tulong ang kanyang kapatid dahil kinuha ni Jam ang cellphone nito.
Sabi ni Jo, "Buti na lang hindi nabasa yung RFID sa toll at nakasigaw yung ate ko pagbaba ng bintana at nakahingi ng tulong sa TELLER sa toll gate, ngayon tinakbuhan mo yung mga pulis!"
"Wala kang awa!! Demonyo, mapapatay mo na ate ko," dagdag ng kapatid ni Jellie.
Nagbigay rin ng update si Jo tungkol sa kanyang kapatid at kasalukuyan itong nagpapa-medical at magre-report na sa pulis.
Bukas ang GMANetwork.com sa anumang pahayag ni Jam Ignacio tungkol sa isyung ito.
Samantalang, tingnan dito ang iba pang celebrities na nakaranas ng harrassment:
Kat Alano
Idinetalye ng model na si Kat Alano sa April 24, 2016 episode ng podcast show ni DJ Mo Twister na 'Good Times With Mo' ang umano'y pangre-rape sa kanya ng isang public figure na hindi niya pinangalanan. Kwento ni Kat, inihatid siya nito sa kanyang apartment matapos magkainuman sa isang bar, at doon siya sapilitan ni-rape.
Yasmien Kurdi
Ganito rin ang sinapit ng Kapuso actress na si Yasmien Kurdi mula sa aktor na si Baron Geisler. Naghain rin ng acts of lasciviousness complaint si Yasmien noong 2009 kontra sa aktor matapos magpakita ng kabastusan habang nasa taping. Bukod sa acts of lasciviousness complaint, nagsampa rin ang aktes ng unjust vexation complaint laban dito.
Patrizha Martinez
Nagsampa ng sexual harassment and acts lasciviousness complaint ang anak nina Yayo Aguila at William Martinez na si Patrizha Martinez laban kay Baron Geisler noong 2008. Ibinunyag ni Patricia na hinipuan siya ng aktor habang nasa isang bar sa Makati.
Maureen Mauricio
Naka-move on na ang aktres na si Maureen Mauricio sa masaklap niyang sinapit noong 12 taong gulang pa lang siya. Ayon sa report, pinaghubad siya ng direktor habang nasa audition ng isang talent search.
Julia Clarete
Nakaranas din ng sexual harassment ang dating 'Eat Bulaga' mainstay na si Julie Clarete. Noong una ay nanahimik ang TV host para hindi lumaki ang isyu, ngunit hindi kalaunan ay inihayag niya rin ang pambabastos ni Baron. Nangyari ang panghihipo ng aktor kay Julia habang kumakanta ito sa stage.
Cherry Pie Picache
Kabilang din sa mga nabiktima ni Baron ang multi-awarded actress na si Cherry Pie Picache. Ayon sa report, lasing si Baron noong hinipuan niya ang aktres habang nasa taping para sa isang show. Nag-file ng complaint ang aktres sa ABS-CBN management at sa Professional Artist Management, Inc (PAMI) para madisiplina ang aktor.
Maggie Wilson
Hindi nagdalawang-isip si Maggie Wilson na punahin ang pambabastos ng Chinese sponsors noong kandidata pa siya sa Miss World 2017. Sabi niya, "Chinese sponsors sila, isang malaking kumpanya. Nabastos ako. Ay, sinampal ko talaga siya, 'no! 'Yung humawak sa akin. Sabi ko, 'Don't touch me!' Ginanu'n ko siya. Diyos ko, I'd rather have my dignity, 'di ba? I'd rather have my dignity than pumayag ako na bastusin ako para manalo ako, 'di ba?"
Sunshine Cruz
Matapang na inihayag ng aktres na si Sunshine Cruz ang naranasan niyang physical, psychological, and sexual abuse mula sa kanyang estranged husband na si Cesar Montano. Ni-rape diumano siya nito noong Mother's Day, 2013. Bukod dito, inakusahan din ni Sunshine si Cesar ng paglabag sa Republic Act 9262 o and Anti-Violence against Women and Children's Act of 2004 dahil sa pambubugbog nito.
Rhian Ramos
Inilahad ni Rhian Ramos sa isang Instagram post noong 2016 ang panghaharas sa kanya ng isang lasing na lalaki sa isang bar. Dahil sa pangyayaring ito, gumawa ng proyekto si Rhian para magbigay ng kamalayan tungkol sa sexual harassment. Bahagi nito ang pagbibigay niya ng pepper sprays sa mga kababaihan sa MRT Ayala Station noong bisperas ng Valentine's day ng 2017.
Ambra Gutierrez
Isa lamang ang Filipina-Italian model na si Ambra Gutierrrez sa mga biktima ng sexual misconduct ng Hollywood producer na si Harvey Weinstein.
Gretchen Fullido
Mainit na usapan ngayon ang pagsampa ng showbiz anchor na si Gtrechen Fullido ng sexual harassment at libel charges laban sa katrabaho nito sa ABS-CBN News and Current Affairs.
Miss Earth 2018 candidates
Hindi natapos ni Miss Earth-Canada Jamie VandenBerg ang kanyang pageant competition habang nasa Pilipinas dahil sa isang sponsor na 'di umano'y nanghihingi sa kanya ng sexual favors. Maging sina Miss Earth-England Abbey-Anne Gyles-Brown at Miss Earth-Guam Emma Sheedy ay inireklamo rin ang naturang sponsor ng sexual harassment.
Related:
Miss Earth organizer speaks up about alleged sexual harassment incidents
Bea Rose Santiago
Ibinunyag ni Miss International 2013 Bea Rose Santiago sa isang Facebook post noong November 12 na biktima rin siya ng sexual harassment. Ayon sa kanyang post, diumano'y minolestiya siya ng isang pari noong bata pa lang siya, at hinipuan ng isang sikat na businessman.
Janina Vela
Ang sunud-sunod na sexual harassment encounters ang nag-udyok sa YouTube vlogger na si Janina Vela na labanan ang ideya ng rape culture sa bansa. Ayon sa kanyang tweet, hindi sapat na rason ang kasuotan ng isang babae para ito mabiktima ng rape dahil pananagutan ito ng may sala. Kuwento niya, "I was 17 when a man slipped his hand into my oversized denim jumper. 18, when a man unzipped my large coat to touch me. At 19, I was wearing baggy pants, only still to be groped," bahagi niya. "Stop blaming women for their clothes. Start holding men accountable for their actions."