Will Ashley, umaasang magkakaayos din sina Sofia Pablo at Jillian Ward
Umaasa ang aktor na si Will Ashley na magkakaayos rin ang dati niyang kasamahan sa Prima Donnas na sina Sofia Pablo at Jillian Ward.
Naunang kinuwento ni Sofia na matagal rin silang hindi nag-usap si Will hanggang sa magkaayos sila nang sisimulan na ang taping ng GMA Afternoon Prime series na Prinsesa Ng City Jail.
"Kung ano man 'yung problema nila, kasi hindi naman po ako 'yung makakaayos nun, e, kumbaga, it's for them to fix it," saad ni Will sa panayam ni Lhar Santiago sa 24 Oras.
Ngayong maayos na sila ni Sofia, nabunutan na ng tinik sa dibdib si Will.
"Kumbaga, isang tinik ang nabunot after how many years. Totoo naman po 'yun, parang nagkaroon lang din ng misunderstanding. Kumbaga, hindi kami nagkaroon ng chance makapag-usap nang ganon katagal kasi pareho din kaming naging busy."
Sa panayam ni Sofia sa GMA Integrated News Interviews, sinabi niyang hindi nila napag-usapan ni Jillian kung ano ang nangyari sa kanilang dalawa.
"Nagulat na lang ako biglang hindi na. Ganun 'yung nangyari sa amin. After nun, we never talked anymore," saad ni Sofia. "We're close tapos biglang wala na. Like literal wala na, in a snap, wala pong buwelo na ilangan. Literal, stopped."
Sa panayam naman ni Jillian, sinabi niyang wala pa siyang oras para sa mga ganitong bagay dahil mayroon siyang problemang hinaharap.
“Ako po kasi, again, I'm doing so much in my life, I don't have time to fight with anyone. So hindi ko po alam saan [nanggaling] ang narrative na 'yun or fighting. I'm doing different things and I'm self-reflecting still 'yung sa separation ng parents ko," sagot ni Jillian.
Mapapanood sina Sofia at Will sa Prinsesa Ng City Jail, Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime. Samantala, bumibida naman si Jillian sa My Illongo Girl na mapapanood mula Lunes hanggang Huwebes, 9:30 p.m. sa GMA Prime.
Check out Will Ashley's thirst-trap photos in this gallery.