Filtered By: Showbiz News | News
Rufa Mae Quinto
Photo: Balitanghali
Showbiz News

Rufa Mae Quinto, matapos sumuko sa NBI: 'I surrender myself, lahat haharapin go! go! go!'

Kalmado at boluntaryong sumuko si Rufa Mae Quinto sa National Bureau of Investigation (NBI) ngayong Miyerkules, January 8, kaugnay sa kasong paglabag sa Securities Regulation Code, o Republic Act No. 8799, ng derma company na ineendorso ng komedyante.

Mula airport, dumiretso si Rufa Mae sa NBI matapos dumating ng Pilipinas mula San Francisco, California kaninang alas singko ng umaga.

Eksklusibong nakapanayam ng GMA Integrated News ang aktres na nakuha pang magbiro sa kabila ng kasong kinakaharap niya. "Welcome to me in the Philippines. Yes, I surrender myself," hirit niya.

Sa hiwalay na video na ipinost ng GMA News, sabi pa niya, "Biktima rin po tayo kaya lahat haharapin, go go go! Basta hinaharap."

Ayon kay Rufa Mae, boluntaryo siyang sumuko agad para malinis ang kanyang pangalan kasunod ng arrest warrant sa kanya. Nanindigan siyang wala siyang kinalaman sa alleged investment scam ng Dermacare at endorser lamang siya ng kumpanya.

Patuloy niya, "Tsaka hindi na maganda, reputasyon ko na 'yung sinisira kaya haharap din ako para i-clear ko 'yung name ko."

Sabi pa niya, wala pa silang pinal na desisyon kung magka-counter charge sila sa mga taong nagsampa ng kaso sa kanya.

"Pag-iisipan pa natin kung may isip pa 'ko," biro ni Rufa Mae. "Tapusin muna ito, isa-isa lang kasi kararating ko lang from the airport, from the US so one by one, step by step."

Magbabayad si Rufa Mae ng piyansa na Php 1.7 million at nakatakda rin siyang lumabas ngayong araw.

Aniya, "Sa totoo lang, dapat 'yung hanapin nila 'yung may-ari, 'yun talagang may-ari. Tsaka wala naman akong kinalaman sa kanila, 'di ko naman sila na-meet o nakilala. In fact, ako rin, 'di ako nabayaran, nag-bounce lahat ng tseke."

Dagdag niya, "Three months lang po ako nag... parang no'ng pumirma ko, first down, talbog. Second down, talbog so nag-bounce hanggang sa sinabi sorry. Kinancel din nila ako as endorser kasi nga 'di ko ano..."

Nag-iwan din siya ng pahayag tungkol sa kung sino ang dapat managot sa nasabing kaso.

"So ngayon, 'yung nga ring mga nabiktima, ang hanapin n'yo, una 'yung may-ari kung sino 'yung kausap nila, 'di ba? Pangalawa, sana i-highlight kung sino ba 'yung kawatan dito. 'Di porket artista, ikaw na 'yung laging nasa news, 'di ba? Ibig sabihin, kailangan maging malinaw na hindi po ako kundi 'yung mismong may-ari ang dapat habulin."

Naglabas naman ng statement ang abogado ni Peachy (palayaw ni Rufa Mae) na si Atty. Mary Louise Reyes kaugnay sa kasong kinakaharap ng aktres.

Aniya, mananatiling tapat si Rufa Mae sa legal na proseso at nanawagan sila sa publiko na iwasan na manghusga based on inaccurate and incomplete information.

Samantala, dinepensahan din siya ng kanyang manager na si Boy Abunda.

Ani ng batikang TV host at talent manager sa show niyang Fast Talk with Boy Abunda ngayong Miyerkules, klaro ang nakasaad sa kontrata ni Rufa Mae na endorser lamang siya ng nasabing derma company. "It's just a confusing issue to me pero kami umaasa na mabigyang linaw," ika ng King of Talk.

Nangako din si Tito Boy na ibabahagi niya sa kanyang programa ang mga development sa kaso ng kanyang alaga.

Samantala, kilalanin ang ilang celebrities na nagamit ang pangalan para makapang-scam sa gallery na ito:

NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.