Willie Revillame sa paglagda ng bagong kontrata sa GMA Network: 'Hanggang may nalulungkot, may Wowowin'
Ngayong araw (January 29), muling pumirma ng kontrata si Willie Revillame sa GMA Network para sa 'Wowowin.'
By CHERRY SUN
PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com
Ngayong araw (January 29) ay muling pumirma ng isang kontrata si Willie Revillame sa GMA Network para sa Wowowin na eere na araw-araw simula February 1.
IN PHOTOS: Ang pagbabalik sa Kapuso network ng ‘Wowowin’
Dumalo sa contract signing sina GMA Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon, President and COO Gilberto R. Duavit, Jr., GMA EVP and CFO Felipe S. Yalong, Willie Revillame at kanyang business partner na si Atty. Alfonso Reyno, Jr. Present din sa event si First Vice President for Program Management na si Joey Abacan.
Ani Abacan, hindi naging mahirap ang kanilang desisyon na gawing araw-araw na ang Wowowin. Sambit niya, “Nakita na namin kung papano siya minahal ng mga tao and it translated into ratings. Talagang ang lakas-lakas ng show ‘di ba.”
“Kung ganito reception ng tao at para mas maraming napapaligaya, kita naman sa palabas eh ‘di ba, so ano pa kaya kung itodo na natin. Monday to Friday,” patuloy niya.
Ratings
Dahil araw-araw na nga ang palabas ni Kuya Wil, hindi naiwasang itanong kung nakakaramdam ba siya ng kaba pagdating sa ratings ng kanyang programa.
Aniya, “Never akong kinabahan. Bakit ako kakabahan, maganda naman ‘yung programa, maganda naman ‘yung hangarin ng programa.”
“Ang ratings nito hindi naman kailangan mataas. Ang importante rito mahalin ka ng tao, mahalin ‘yung programa kasi sabi nga ng Eat Bulaga, habang may bata, may Eat Bulaga. Hanggang may nalulungkot, may Wowowin,” paliwanag din niya.
Gayunpaman, malakas ang kumpiyansa ni Atty. Gozon sa pagbabalik ng Wowowin sa ere. Wika niya, “I have no doubt na mame-maintain ni Willie ‘yung rating ng program. Napakasipag [niya]. Pinapanood ko ‘yung shows niya kaya alam ko.”